Advertisers
Kadalasan ang tagumpay ng isang distrito ng pulisya sa kanilang pakikipaglaban sa kriminalidad ay sinusukat sa numero at datos ng kanilang mga nagawa. Ito rin ang nagiging batayan upang parangalan ang isang distrito – ang porsiyento ng pagbaba ng krimen, bilang ng mga matagumpay na operasyon, at kung gaano kahigpit na ipinatutupad ang mga direktiba laban sa kriminalidad.
Ang Quezon City Police District (QCPD) sa pamumuno ni PBrig. Gen. Randy Glenn Silvio, ay masasabing hindi naman nagkulang sa pagpapatupad ng mga direktibang galing sa nakakataas tulad ng National capital Regional Office (NCRPO). Ngunit sa kabilang mukha naman ng mga direktiba, ay ang pagpapakita ng malasakit ng isang kumander sa kanilang mga tauhan kung saan ito ang nagpapataas ng moral ng bawat kapulisan.
Kamakailan, binisita ni Silvio kasama si Talipapa Police station commander PLt. Col. Von Alejandrino, si PMSg Bert Ramos sa PNP General Hospital. Ang hakbangin ni Silvio ay hindi lamang isang simpleng pagbisita kung hindi isa itong pagpapakita ng malasakit, suporta at pag-aruga sa kanyang mga tauhan.
Matatandaan, naka-off duty si PMSg Ramos nang respondenhan upang payapain ang isang magulong sitwasyon sa kahabaan ng EDSA sa Barangay Katipunan. Hindi niya kailangang gawin iyon dahil nga sa wala siya sa oras ng trabaho. Ngunit hindi siya nag-atubiling rumesponde, at hinarap ang panganib kaya siya’y nagtamo ng mga grabeng pinsala sa mukha at ulo upang payapain lamang ang kaguluhan.
Ang ganitong uri ng walang-imbot na katapangan ang siyang nagpapanatiling ligtas sa Quezon City ang milyun-milyong “QCitizens.” Ngunit ang kabayanihang tulad nito ay nangangailangan ng pagpapahalaga mula sa pamunuan na siya naman ipinadama naman ng QCPD – may puso, sa pangunguna ni Silvio.
Dito makikita na hindi siya isang heneral na nagdidikta lamang ng mga utos mula sa isang de-aircon na opisina, na ang tanging pakialam ay ang mga nakamit na parangal at estatistika at sa halip, ay nauunawaan niya na ang pinakamalaking lakas ng QCPD ay hindi ang kanilang mga armas o mga sasakyang pampatrol—kundi ang moral at kapakanan ng kanyang mga tauhan.
Ang ganitong pamamaraan ay direktang sumasalamin sa “morale and welfare agenda” ni PNP Chief, PGEN Jose Melencio Nartatez Jr. at ni NCRPO Regional Director, PMGen. Anthony Aberin. Ang resulta’y ang mga pulis na nakararamdam ng tunay na pag-aaruga, pagpapahalaga, at pagmamahal mula sa kanilang mga pinuno ay laging handang magsakripisyo nang higit pa sa kanilang tungkulin. ‘Ika nga, ang pagpapahalaga sa isang ordinaryong pulis na handa siyang alalayan ng kanyang District Director sa oras ng kagipitan, ay napapalitan ng kumpiyansa ang anumang pag-aalinlangan.
Ngayon, pinatutunayan ng liderato ng QCPD na walang pulis na pinababayaan, at dahil diyan, walang QCitizen ang hahayaang walang proteksyon.