ERWIN TULFO: FLOOD CONTROL MESS, IIMBESTIGAHAN NG BLUE RIBBON SA BALIK-SESYON; INFRA MASTERPLAN ISINUSULONG KONTRA ANOMALYA
Advertisers
INANUNSYO ni Senate Blue Ribbon Committee Chairman Erwin Tulfo na ipagpapatuloy ng komite ang imbestigasyon sa flood control scam, sa oras na pormal itong mabuo sa pagbabalik-sesyon ng Senado sa Hulyo 27.
Sa isang panayam sa radyo, nilinaw ni Tulfo ang tamang proseso sa pagbuo ng isang komite sa Senado: “Sa umaga po ng [July] 27, which is the SONA, doon po natin ifoformalize ang Blue Ribbon. Kaya hindi kami makapag-hearing kasi kailangan ng membership. Magsusumite po ang mga senador ng mga pangalan ng mga magiging miyembro.”
“Magkakaroon tayo ng imbestigasyon sa flood control. Imbestigahan natin, ituloy natin, pero paano kung ang mga pangalan na lumabas ay kapareho rin ng mga kinasuhan ng Ombudsman dahil sa unang Committee Report ng Blue Ribbon? Uuulitin lang ba natin ito? Dapat may mga bago nang pangalan,” pahayag niya.
Sinabi rin ng Senador na bilang pinuno ng komite, iimbitahan niya ang lahat ng mga stakeholder at maglalatag ng mga bagong patakaran tulad ng mas mahigpit na pagsusuri sa mga affidavit at pagbabawal sa mga biglaang testigo (surprise witnesses). Ang lahat ng mga repormang ito, ayon kay Tulfo, ay pormal na ipatutupad kapag opisyal nang nabuo ang panel.
Binigyang-diin pa ng chairman ng Blue Ribbon panel na bukod sa paghingi ng pananagutan sa isyu ng flood control, ang mas magandang hakbang upang mapigilan ang muling pagsulpot ng scam sa flood control ay ang pagbuo ng isang Philippine Infrastructure Masterplan upang hindi nakadepende sa politika ang mga proyekto.
“Ang pagkabunyag ng flood control scam ay maituturing na isang ‘blessing in disguise.’ Natuklasan natin na ang dahilan sa likod ng walang katapusang problema sa pagbaha at mga problema sa kalsada. Ito ay dahil ibinubulsa ang mga pondo,” ani Tulfo.
“Sa mahabang panahon, ang pagpaplano sa imprastruktura ay madalas na nakatali sa mga prayoridad ng bawat administrasyon. Kung mayroon tayong masterplan, hindi mahalaga kung saan manggagaling ang susunod na Pangulo,” dagdag pa niya.
Kasunod nito, hinimok niya ang kanyang mga kasamahan na suportahan ang pagpasa ng kanyang Senate Bill No. 1360 o ang “Masterplan for Infrastructure and National Development (MIND) Act.”
Ang nasabing panukalang batas ay magtatatag ng isang “whole-of-government strategy” para sa mga proyektong imprastruktura sa bansa. Bibigyang-prayoridad ang mga proyektong may national significance, ngunit titiyakin ng panukala na nakakonekta ang mga ito sa planong pangkaunlaran sa mga rehiyon at sektor.
Kapag naging ganap na batas ang MIND Act ni Tulfo, pagsasamahin at itutugma nito ang lahat ng proyektong imprastruktura mula sa mga big-ticket hanggang sa maliliit na proyekto.
“Makatutulong din ang panukalang ito upang matiyak na mas mahusay na nagagamit ang yaman ng bayan. Kung maayos ang ating pagpaplano, maiiwasan natin ang pagdodoble ng mga proyekto, mapapabilis ang pagpapatupad, at mapapalakas ang pananagutan. Ang bawat pisong namumuhunan sa imprastruktura ay dapat magbigay ng pinakamalaking benepisyo para sa mga Pilipino,” pagtatapos niya.