Advertisers

Advertisers

Lacson, ibinunyag may mga testigong magbibigay ng ebidensya laban kay Cayetano

0 17

Advertisers

NANINDIGAN si Senador Panfilo “Ping” Lacson na ipagtatanggol niya ang kanyang integridad matapos umano siyang atakehin ni dating Senate President Alan Peter Cayetano, kasabay ng pagbubunyag na may mga impormante at testigo na aniya’y handang magbigay ng impormasyon at ebidensiya laban sa kapwa senador.

“My integrity is my first and last line of defense and I will fight to defend it with all my might. Sen. Cayetano has crossed the line by attacking it,” ani Lacson sa isang post sa X.

“As of this morning, I’m still counting informants and witnesses, directly or through intermediaries, willing to provide information and evidence to put him in his proper place – the Payatas, QC jail,” aniya.



Binigyang-diin ni Lacson na sa mahigit limang dekada niyang paglilingkod bilang alagad ng batas at mambabatas ay pinanatili niya ang kanyang reputasyon sa pamamagitan ng pagtanggi sa hush money, grease money, suhol mula sa mga supplier at contractor ng Philippine National Police (PNP), gayundin sa reward money mula sa mga pamilya ng mga nailigtas na biktima ng kidnapping.

Sinabi rin ng senador na bilang mambabatas ay hindi siya nakinabang sa anumang uri ng “pork barrel” at tinanggihan umano ang lobby money kapalit ng paborableng lehislasyon. Inulit din niya ang nauna niyang alegasyon na may P6.79 bilyong umano’y mala-pork barrel na budget insertions si Cayetano sa 2025 General Appropriations Act (GAA). “I’ve tasted power and I know how to handle power through personal experience. Hindi ako abusado at hindi ako corrupt na government official,” diin ni Lacson.



Nauna nang pinabulaanan ni Lacson ang mga pahayag ni Cayetano sa isang Facebook Live kung saan kinuwestiyon nito ang pagtaas ng net worth ng senador batay sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN).

Nilinaw ni Lacson na ang paglaki ng kanyang yaman ay mula sa lehitimong pinagkakakitaan habang wala siya sa gobyerno, at aniya’y suportado ito ng kanyang income tax returns (ITRs) noong 2023 at 2024.



Inihayag din ni Lacson na may impormasyon umano siya tungkol sa mga “ghost” flood control projects sa Taguig City, gayundin ang alegasyong nagsusugal ng malalaking halaga sa mga casino sa Metro Manila ang city engineer ng lungsod. (Mylene Alfonso)