Advertisers

Advertisers

MAGSAYSAY, PANGULONG MINAHAL NG MASA, GINALANG NG KASAYSAYAN!

0 7

Advertisers

Sa bawat halalan, paulit-ulit ang tanong: “Sino ba ang lider na kailangan ng Pilipinas?”

At sa bawat pagtatalo kung sino ang pinakamagaling na naging Pangulo ng bansa, iba-iba ang sagot. May magsasabing si Manuel L. Quezon. May pipili kay Ramon Magsaysay. May hahanga kina Ferdinand Marcos Sr., Corazon Aquino, Fidel V. Ramos, Gloria Macapagal-Arroyo, Benigno Aquino III, Rodrigo Duterte o Ferdinand Marcos Jr. Karapatan ng bawat Pilipino ang magkaroon ng sariling pamantayan.

Ngunit kung pagbabatayan ang pagiging malapit sa masa, katapatan sa serbisyo, at kakayahang ibalik ang tiwala ng mamamayan sa pamahalaan, mahirap tumbasan ang iniwang pamana ni Pangulong Ramon Magsaysay.

Hindi siya perpekto. Walang pangulong naging perpekto. Ngunit sa kasaysayan ng ating republika, kakaunti ang pinunong nakapagpakita ng ganoong antas ng kababaang-loob habang hawak ang pinakamataas na posisyon sa bansa.

Tinawag siyang “Champion of the Common Man” dahil hindi lamang siya nakipagkamay sa mahihirap tuwing kampanya.

Ginawa niyang sentro ng kanyang pamahalaan ang ordinaryong Pilipino. Ang magsasaka, mangingisda, manggagawa, guro, beterano, at maliliit na negosyante ang naging dahilan ng kanyang mga desisyon.

Sa panahon niya, naging bukas ang Malacañang sa karaniwang tao. Hindi kailangang maging mayaman o makapangyarihan upang marinig ang boses.

Para kay Magsaysay, ang gobyerno ay hindi dapat kinatatakutan—dapat itong nilalapitan ng taong nangangailangan ng tulong.

Isa pa sa kanyang pinakadakilang ambag ay ang pagbabalik ng dignidad sa serbisyo publiko. Hindi sapat sa kanya ang maglabas ng utos mula sa opisina. Mas gusto niyang makita mismo ang tunay na kalagayan sa mga lalawigan.

Lumalabas siya sa mga komunidad, nakikipag-usap sa mga tao, at doon bumubuo ng mga pasya. Ang pamumuno niya ay nakabatay sa realidad, hindi lamang sa mga ulat na inilalapag sa mesa.

Bilang dating Kalihim ng Tanggulang Pambansa, ipinakita rin niya na ang kapayapaan ay hindi lamang nakakamit sa pamamagitan ng armas.

Kailangan ding tugunan ang kahirapan, kawalan ng lupa, at kawalan ng pagkakataon. Kaya’t isinulong niya ang mga reporma para sa mga magsasaka at mga programang naglalayong mapaunlad ang kanayunan.

Marami ang nagsasabing iyon ang isa sa mga dahilan kung bakit lumakas ang tiwala ng publiko sa kanyang administrasyon. Nakita ng mamamayan na may pangulong hindi lamang nagsasalita, kundi kumikilos.

Hanggang ngayon, higit anim na dekada matapos ang kanyang pagpanaw, ang pangalan ni Ramon Magsaysay ay nananatiling simbolo ng malinis na pamahalaan. Hindi iilang beses na ang mga sumunod na lider ay ikinumpara sa kanya.

Sa tuwing may bagong administrasyon, may mga nagtatanong: “Magkakaroon pa kaya tayo ng isa pang Magsaysay?”

Marahil ang tanong ay hindi kung may darating pang bagong Magsaysay. Ang mas mahalagang tanong ay kung handa bang tularan ng mga susunod na lider ang kanyang paraan ng pamumuno—mapagkumbaba, tapat, at tunay na naglilingkod.

Sa panahon ngayon na mabilis kumalat ang propaganda, fake news, at bangayan sa politika, tila lalo nating naaalala ang isang lider na hindi umasa sa ingay ng social media o sa magarbong pagpapapogi. Ang kanyang pinakamabisang kampanya ay ang kanyang mga gawa.

Hindi lahat ay sasang-ayon na siya ang pinakamahusay na naging Pangulo ng Pilipinas. At iyan ang kagandahan ng demokrasya. Ngunit para sa maraming Pilipino at sa maraming pag-aaral sa kasaysayan, si Ramon Magsaysay ay nananatiling isa sa pinakamahuhusay na naging pinuno ng ating bansa.

Ang Pilipinas ay hindi nangangailangan ng mga politikong magaling lamang magsalita. Ang kailangan natin ay mga lider na marunong makinig. Hindi mga pinunong naghahari, kundi mga lingkod na handang yumuko para maiangat ang kanilang nasasakupan.

Kung may isang pangulo na nagpakita ng ganitong uri ng pamumuno, walang dudang kabilang sa pinakatampok ang pangalan ni Ramon Magsaysay.

At marahil, sa gitna ng lahat ng ating pinagdaanan bilang isang bansa, ang kanyang pinakamahalagang iniwang aral ay ito: Ang tunay na lider ay hindi sinusukat sa haba ng panunungkulan, kundi sa lalim ng tiwalang iniwan niya sa puso ng kanyang mga kababayan.
***
Paano raw ba mawawala ang padrino system sa Bureau of Customs (BoC): One way is to file a bill that aims to stop the padrino system.

Another way, na ginawa noong 2013 ni Sen. Escudero, ay imbestigahan ang mga padrino ng mga korap na opisyal ng Aduana.

Sen. Sherwin “Win” Gatchalian, Sen. Panfilo “Ping” Lacson, Sen. Erwin Tulfo, Sen. Chiz Escudero, Sen. JV Ejercito at Sen. Raffy Tulfo your honors please, baka nais nyo pong umpisahan ulit ang imbestigasyon laban sa mga padrino sa Customs?

At sa imbestigasyon, hayaang pagsalitain si Sen. Ping Lacson na tiyak, maraming sasabog ang bahay-ebak pag nagsalita na siya.

Hindi matitigil ang corrupt practices sa Aduana kung ang padrino system ay mananatili sa Customs.
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com.