Advertisers
By Anne Venancio
Muling magpapakita ng kanyang husay sa horror genre si Rose Van Ginkel sa “Rosario,” ang pinakabagong supernatural horror film ng Viva Films na isinulat at idinirek ni Roni S. Benaid, na mapapanood sa mga sinehan sa buong bansa simula Agosto 5.
Hango sa isang kilalang pamahiing Pilipino, umiikot ang kuwento ng Rosario sa paniniwalang kailangang putulin ang rosaryong inilalagay sa kamay ng yumao bago ito ilibing. Kapag nakalimutang gawin ang ritwal, pinaniniwalaang magsisimula ang sunod-sunod na pagkamatay ng mga naiwan sa pamilya.
Pinangungunahan nina Aubrey Caraan bilang Beth, Yumi Garcia bilang Ave, Lance Carr bilang Caleb, kasama sina Meg Imperial, Jairus Aquino, Suzette Ranillo, Bernadette Allyson, at Rose Van Ginkel, ang pelikulang naghahalo ng family drama, suspense, at supernatural horror.
Sa kuwento, muling nagtagpo ang magkapatid na sina Beth at Ave matapos pumanaw ang kanilang ina. Habang nagluluksa ang pamilya, nakalimutan nilang isagawa ang huling bahagi ng ritwal—ang pagputol sa rosaryong inilagay sa kamay ng yumao. Hindi nagtagal, sunod-sunod na misteryosong trahedya ang bumalot sa kanilang pamilya, dahilan upang desperadong hanapin ni Beth ang paraan upang wakasan ang sumpa.
Sa media conference ng pelikula, ibinahagi ni Direk Roni na mula sa isang matagal nang paniniwalang Pilipino ang naging inspirasyon ng Rosario.
“Ang sabi kasi, kapag hindi pinutol ang rosaryong hawak ng bangkay bago ilibing, magkakasunod-sunod ang pagkamatay sa pamilya. Doon nagsimula ang konsepto ng pelikula. Gusto naming gumawa ng horror story na malapit sa kulturang Pilipino.”
Ayon pa sa direktor, mas pinaigting nila ang suspense sa pamamagitan ng mga nakakagulat na eksena at mas makatotohanang visual effects.
“Marami kaming jump scares at siniguro naming pulido ang visual effects para mas maging kapanipaniwala ang bawat eksena.”
Isa sa mga tampok sa pelikula ang pagbabalik ni Rose Van Ginkel sa isa na namang nakakatakot na karakter. Sa katunayan, ikalimang beses na niyang gaganap bilang multo, dahilan upang bansagan siyang isa sa mga paboritong horror actresses ng Viva Films.
Aminado si Direk Roni na hindi nila sinasadyang paulit-ulit na bigyan ng ghost role ang aktres, ngunit naniniwala siyang epektibo ito sa pagpapakilabot sa mga manonood.
“Hindi naman talaga plano na lagi siyang multo. Nagkataon lang na nagkatrabaho na kami noon at nakita ko kung gaano siya kaepektibo sa ganitong klaseng role. Hindi ako kinakabahan kapag si Rose ang nasa cast dahil alam kong kaya niyang maghatid ng takot sa screen.”
Masaya namang tinanggap ni Rose ang panibagong horror project at inaming tila naging trademark na niya ang pagganap bilang multo.
“Pang-lima ko na itong horror film bilang multo. Hindi ko rin alam kung bakit favorite nila akong gawing multo, pero iniisip ko na lang na baka effective talaga ako sa ganitong role. Minsan nga sa set, kahit wala pa akong ginagawa, nagugulat na agad sila sa akin,” natatawang kuwento ng aktres.
Ibinahagi rin ni Rose na bagama’t wala siyang naranasang kakaibang pangyayari habang ginagawa ang pelikula, may isang dialogue sa Rosario na palagi siyang kinikilabutan tuwing binibigkas niya.
“May isang linya rito na hindi ko maintindihan ang ibig sabihin, pero tuwing binibigkas ko, kinikilabutan talaga ako. Hindi na rin namin inalam ang eksaktong kahulugan dahil baka lalo lang akong matakot.”
Nilinaw rin ng aktres na hindi niya tuluyang isinasara ang pinto sa paggawa ng sexy roles, ngunit sa ngayon ay nais niyang mas maipakita ang kanyang kakayahan bilang aktres sa iba’t ibang genre, partikular sa horror.
Bukod sa matitinding takutan, tampok din sa Rosario ang kuwento ng pamilya, pagdadalamhati, at mga lihim na unti-unting mabubunyag habang lumalalim ang sumpang bumabalot sa kanilang buhay.
Mapapanood ang “Rosario” sa mga sinehan sa buong bansa simula Agosto 5 mula sa Viva Films.