Advertisers

Advertisers

Angel Locsin naglabas ng sama ng loob kay Sen. Robin Padilla, kinuwestyon ang mga naging paninindigan

0 10

Advertisers

By Anne Venancio

Nagbigay ng reaksyon ang aktres na si Angel Locsin matapos ang naging pahayag ng aktor at senador na si Robin Padilla sa ikalimang araw ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa Senado noong Hulyo 14.

Sa nasabing pagdinig, sinabi ni Robin ang linyang, “Komunista po ako,” habang nagtatanong kay National Bureau of Investigation (NBI) Regional Director Atty. Jeremy Lontoc kaugnay ng tinatawag na “Operation Romanov.” Agad itong naging usap-usapan sa social media at nagdulot ng iba’t ibang reaksyon mula sa publiko.

Nagkomento rito si Angel na naging leading-lady ni Robin sa teleseryeng Asian Treasures noong 2007.

Sa kanyang opisyal na Facebook page, ibinahagi ng aktres ang kanyang saloobin at binalikan ang panahon na magkasama silang nagtatrabaho.

Ayon kay Angel, madalas umanong ikuwento noon ni Robin ang kanyang karanasan sa pamumundok at paghawak ng armas dahil sa kanyang mga paniniwala.

“Sa statement mo na ‘to, kahit papaano, natuwa akong makita ulit ‘yung dating Robin Padilla na nakilala ko. At least, honest ka ngayon, Kuya,” pahayag ni Angel.

Diretsahan ding tinanong ng aktres ang senador kung bakit umano ito nanahimik noong panahon na nakaranas siya ng red-tagging.

“Ang tanong ko lang, nasaan ka noong panahong nire-red-tag ako kahit alam mong hindi totoo? Actually, kasama mo pa nga at kachikahan ang mga nangre-red-tag. Naghugas-kamay at pumikit sa katotohanan,” saad niya.

Kinuwestiyon din ni Angel ang ilang naging paninindigan ni Robin sa mga isyung pambansa, kabilang ang suporta nito kay Apollo Quiboloy at ang mga naging posisyon nito kaugnay ng China.

Giit ng aktres, marami ang bumoto kay Robin dahil inaasahan nilang magiging matapang itong boses para sa mga Pilipino, lalo na para sa Muslim community.

“Isa ka sa pinaka-makabayang taong nakilala. Ikaw si Andres Bonifacio. Kaya nakakalungkot kapag nakakabasa ako ng stand mo pagdating sa China. Hindi ito ang Robin Padilla na nakilala at hinangaan ko,” pahayag niya.

Hinikayat ni Angel ang dating katrabaho na pag-isipan muli ang kanyang mga paninindigan. “Tama na, Kuya. Gising na. Hindi pa huli ang lahat,” aniya.

Samantala, naglabas din ng hiwalay na pahayag si Robin matapos mag-viral ang isang social media post ni mae.yonaise na nagsasabing…’wala bang maglalakas ng loob na barilin bigla si Robin Padilla.

Post nito sa kanyang Facebook account,

“Allah hu Akbar! Aoodhu billahi minashaytani rajeem! Kaya parang demonyo na ang mga kriminal sa pagpaslang ng tao dahil sa mga katulad nito na ipinangkakampanya ang pagpatay ng kapwa tao,” ani Robin.

Dagdag pa ng senador, handa siyang harapin ang anumang pagsubok alang-alang sa kapayapaan at kinabukasan ng bansa.

“Huwag mong naisin na maunahan ako dahil ang masagana at masaya kong pamilya ang handa kong ipagpalit para lamang maging matahimik at mapayapa ang kinabukasan ninyo,” saad niya.

Hiniling din ni Robin sa publiko na manalangin at iwasan ang anumang panawagan ng karahasan.