Advertisers

Advertisers

Pagkaltas ng 12 porsiyento ng VAT sa kuryente inihain ni Cong. Suntay!

0 4

Advertisers

Para sa karagdagang ikagiginhawa ng pamumuhay inihain si Quezon City Fourth District Representative Jesus “Bong” Suntay ng House Bill No. 10160 o ang Electricity VAT Relief Act, na naglalayong alisin ang 12% Value-Added Tax (VAT) sa konsumo ng kuryente ng lahat ng end-users—residential, agricultural, commercial, at industrial.

Ayon kay Suntay, panahon nang baguhin ang pananaw ng pamahalaan sa pagbubuwis. “Sa tuwing tumataas ang presyo ng bilihin, ang unang tanong lagi ay kung magkano ang ayuda. Pero may mas simple at mas patas na solusyon—hayaan nating manatili sa mga Pilipino ang mas malaking bahagi ng kanilang pinaghirapan. Hindi lahat ng problema ay kailangang solusyunan sa pamamagitan ng panibagong subsidy. Minsan, ang pinakamabisang tulong ay huwag nang kunin ang pera ng tao sa umpisa pa lang.”

Sa ilalim ng panukala, aalisin ang VAT sa bentahan ng kuryente at titiyakin na ang buong benepisyo nito ay direktang mararamdaman ng mga konsyumer sa pamamagitan ng mas mababang electric bill. Inaatasan din ang Energy Regulatory Commission (ERC) na tiyaking ang VAT exemption ay ganap na maipapasa sa mga end-users at malinaw na makikita sa billing ang kabawasang natanggap ng bawat consumer.

“Ang kuryente ay hindi na luho. Pangangailangan na ito ng bawat pamilya, paaralan, ospital, negosyo, at sakahan. Kapag binawasan natin ng 12% ang VAT sa kuryente, automatic na bababa ang buwanang gastusin ng bawat sambahayan. Hindi na kailangan ng aplikasyon, pila, o kwalipikasyon. Ang bawas sa bill ay bawas sa gastos ng bawat Pilipino,” ani Suntay.

Dagdag pa ng mambabatas, makikinabang din ang ekonomiya sa mas murang halaga ng kuryente dahil mababawasan ang operating costs ng mga negosyo, manufacturers, at agricultural producers, na maaari ring magpababa ng presyo ng mga produkto at serbisyo.

“Mas maraming perang mananatili sa bulsa ng tao, mas maraming perang iikot sa ekonomiya. Kapag mas malaki ang naiuuwi ng manggagawa sa kanyang pamilya, mas malakas ang konsumo, mas lumalago ang negosyo, at mas mabilis ang pag-unlad ng ekonomiya. Hindi dapat lahat ng kinikita ng Pilipino ay may kasamang buwis,” pagtatapos ni Suntay.

Sa pamamagitan ng House Bill No. 10160, layunin ni Suntay na gawing mas abot-kaya ang kuryente at bigyan ang bawat Pilipino ng agarang tax relief sa pamamagitan ng pagtanggal ng VAT sa isa sa pinakamahalagang pangangailangan ng bawat tahanan. (Cesar Barquilla)