Advertisers
KINONDENA ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pananakit ng Chinese Coast Guard (CCG) sa isang tauhan ng Philippine Navy sa Ayungin Shoal habang nagsasagawa ito ng rotation and resupply mission.
Pahayag ni Palace Press Officer Claire Castro, hindi katanggap-tanggap ang insidente at gagawa ang pamahalaan ng kaukulang diplomatic action.
Sinabi ni Castro na ang gobyerno ay patuloy na itataguyod ang mga karapatan ng bansa sa West Philippine Sea sa kabila ng mga agresibong aksyon ng China sa pinagtatalunang karagatan.
Hindi aniya uurong ang Pilipinas sa pagtatanggol sa soberanya at karapatan nito sa West Philippine Sea (WPS).
Kaugnay nito, pag-aaralan naman ng pamahalaan kung kailangan nang baguhin ang estratehiya ng Pilipinas sa harap ng sunod-sunod na pangha-harass ng China.
Iginiit din ng Malakanyang na ligal na ginagampanan ng Philippine Navy ang tungkulin nito sa BRP Sierra Madre at walang basehan ang pahayag ng Beijing na ang mga Pilipino ang nagsimula ng komprontasyon.
Samantala, ipinatawag naman sa Malacañang si Chinese Ambassador Jing Quan upang makipagpulong kay Pangulong Marcos.
Gayunpaman, hindi nagbigay ng detalye ang Malacanang kung ito ay may kaugnayan sa nangyaring tensyon sa WPS. (Vanz Fernandez)