Advertisers
UMAPELA ang ilang grupo ng mga tsuper at operator para sa dagdag-pasahe na hanggang P2.00, kasabay ng babala na magsasagawa sila ng nationwide transport strike kung hindi pagbibigyan ang kanilang kahilingan.
Sinabi ni Manibela chairperson Mar Valbuena, hindi sapat ang P1 dagdag-pasahe dahil hindi pa umano nababawi ng mga tsuper at operator ang kanilang mga nawalang kita mula noong Marso.
Samantala, sinabi naman ni ACTO president Libay de Luna na malaking tulong na sa mga manggagawa sa sektor ng transportasyon ang dagdag na P1 o P2 sa pasahe, lalo na sa umiiral na pa-tuloy na pagtaas ng gastusin.
Nagbabala ang dalawang grupo na magsasagawa ng tigil-pasada sakaling magpatuloy ang pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.
Ayon kay Valbuena, pinag-aaralan na nila ang petsa ng posibleng transport strike at tinatayang aabot sa 100,000 driver at operator sa buong bansa ang maaaring lumahok.
Nakatakda ring makipagpulong ang grupo sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board upang talakayin ang kanilang hiling na dagdag-pasahe.