Advertisers

Advertisers

PAANO ANG LUMOLOBONG UTANG?

0 7

Advertisers

WALA kaming problema sa SONA ni BBM noong Lunes. Ang ipinagtaka namin ay wala siyang pahayag tungkol sa lumolobong utang ng National Government. Wala kaming problema sa iba’t-ibang tax exemption na ibinibigay at balak ibigay ng gobyerno sa mga maliit na mamamayan kasama ang mga negosyante.

Ngunit paano tustusan ng gobyerno ang lumalaking gastusin ng gobyerno kung umaasa lang sa walang humpay na pangungutang? Hindi ba kailangan paunlarin ang sistema sa pangongolekta ng buwis at ayusin ang polisiya sa pangungutang.

May dahilan upang mabahala si BBM at ang mga economic manager ng bansa sa lumalaking utang ng National Government. Ayon sa ulat ng Bureau of Treasury, umabot sa kabuuang P18.55 trilyon ang utang ng National Government sa katapusan ng Mayo, ngayong taon.

Sa P18.55-T, nasa P12.50 trilyon, o 67.37%, ay mga utang panloob o kinuha sa mga lokal na bangko at iba pa. Samantala, P6.05 trillyon, o 32.63%, ang utang na galing sa labas. Hindi dating malaki ang utang ng bansa.

Lumaki ito ng labis iyon nang magkaroon ng pandemic kung saan nangutang ng walang humpay si Gongdi upang may panggastos ang gobyerno. Humina ang takbo ng ekonomiya, kinulang ang pumasok na buwis, at ang pangungutang lang ang alam na solusyon ni Gongdi.

Dumoble ang dating utang na P6.3 trilyon. Umabot iyon ng lampas P13 trilyon nang bumaba si Gongdi sa poder noong 2022. Ipinagpatuloy ni BBM ang pangungutang upang tugunan ang lumalaking gastos ng gobyerno. Ngunit malaking bahagi sa salapi ng bayan ang ninakaw ng mga mambabatas at DPWH official, batay sa mga ulat ng iskandalo sa flood control.

Kung magpapatuloy ang pangungutang bilang estratehiya pangkabuhayan ng gobyerno upang tugunan ang lumalaking gastos, aabot sa P19.1 trilyon ang kabuuang utang ng National Government sa katapusan ng 2026 at P24.7 trilyon sa katapusan ng 2030.

Ngayon, katumbas ang P18.55-T na utang sa P160,000 utang ng bawat Filipino kung hatiin ito ng 115 milyon populasyon ng bansa. Ang pambansang budget para sa 2026 ay P6.793 trilyon. Ang kabuuang utang ay katumbas ng 2.7 ibayo ng pambansang national budget. Plano ng gobyerno na mangutang ng P2.7-T sa 2026 upang tugunan ang kailangan sa budget deficit.

Ano ang epekto ng malaking utang ng National Government?

Hindi ibinigay ng libre ang salaping panustos. Ito ay utang. Dahil inutang, marapat bayaran ito ng gobyerno kahit anong laki. Hindi pwede na iwanan itong nakabitin. Sa maikli, may mabigat na pananagutan ang gobyerno.

Sa ilalim ng Philippine Development Plan 2023-2028, nais ng gobyerno ng 6-7% taunang paglaki ng national economy, mapabilang ang Filipinas sa kategoryang “upper-middle income” sa katapusan ng 2026, at itayo ang ilang malalaking proyektong imprastraktura.

Ngunit nahihirapan ang pambansang ekonomiya na makamit ang mga mithiin dahil nanatiling hadlang ang lumalaking utang.

Kinakain ng debt service, o pagbabayad sa utang, ang malaking bahagi ng national budget. May umiiral na batas kung saan obligado ang National Government na bayaran muna ang mga utang bago ilatag at aprubahan ang pambansang budget. Sagabal sa paglago ang PD 1177, ang dekreto na nilagdaan ni Ferdinand Marcos Sr noong panahon ng diktadura niya. Nanatili itong batas.

Abot sa P2 trilyon, P950 bilyon ang principal at P1 trilyon ang interes, ang dapat bayaran ng National Government ngayon taon bago ipatupad ang national budget. Katumbas ang halaga sa 30.3% ng kabuuang gastusin at ibigay lang ito sa mga pinagkakautangan.

Hindi ito ginamit sa pagpapatayo ng classroom at ospital o dagdag na sahod ng mga empleyado ng gobyerno. Hindi ito ginamit na subsidyo sa gastos ng mga magsasaka sa kanilang pananim. Mas lalong hindi ito ginamit sa pagpapagawa ng bagong lansangan at gusali.

Napunta ang natirang 70% sa ibang gastusin para sa edukasyon, kalusugan, at imprastraktura. Ngayon taon, niliitan ng DBM ang nakatakdang gastos, o infra target, mula 5.1% ay naging 4.3% GDP dahil sa fiscal pressure at flood control corruption scandal. Bumaba ang infra spending ng 43% para Enero-Mayo 2026 kung ihahambing sa parehong panahon noong nakaraang taon.

Dahil lumaki ng domestic debt ng 67%, nangangahulugan na ang gobyerno ang pangunahing nangungutang sa lokal na bangko. Ang pinakamatinding epekto nito ay nahihirapan ang kahit lehitimong negosyo na makapangutang sa bangko. Tumataas ang interes ng kanilang uutangin.

Sa maikli, ang gobyerno ang pinakamatinding katunggali ng lehitimong negosyo. Sa maikli, nahihirapan ang negosyo na tumakbo bilang negosyo. Nahihirapan sila magpalawak ng kanilang operasyon dahil kinuha ng gobyerno ang kapital na maaaring nilang utangin. Hindi sila makapagbigay ng sapat na suweldo sa kanilang manggagawa dahil kinuha na ito ng gobyerno.

May kabuuang utang na P6.05-T mula sa labas ng bansa. Lumalaki ito sa tuwing bumabagsak ang palitan ng piso sa dolyar. Sa bawat pagbagsak ng P1 sa palitan ng pera natin kontra dolyar, may dagdag na P6 bilyon sa halaga ng inutang.

Hindi totoo na matatag ang ekonomiya dahil maaaring pangatawanan ang lumalaking utang ng pondo na galing sa labas ng bansa. Puede lang mangyari ito kung matatag ang peso-dollar exchange rate at lumaki ng national economy ng 6% kada taon.

Sa pagharap ng muling binuhay na Freedom from Debt Coalition (FDC), mungkahi ng kanilang mga lider na ayusin ang problema ng bansa sa lumolobong utang. Hindi namin alam kung paano at ano ang gagawin ng gobyerno. Nais na FDC na alisin ang PD 1177. Tanging ang Filipinas lang ang may ganyang batas sa buong mundo.