Advertisers
Nang mahawi ang alikabok sa abalang lasangan ng Commonwealth sa Lungsod Quezon nitong Lunes, Hulyo 27, 2026 makaraang ang pag-uulat ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos sa bayan – sa kanyang ika-5 State of the Nation Address (SONA), isang magandang balita ang nag-umapaw – “SONA 2026, naging pangkalahatang mapayapa at maayos.”
Kung suriin kung bakit naging mapayapa ang kaganapan, ito ay dahil sa sakripisyo, masusing paghahanda, at mataas na antas ng disiplina ng Quezon City Police District (QCPD) at ng mga augmentation forces nito.
Ang maayos at mapayapang seguridad nitong Hulyo 27 ay sadyang pinaghirapan at pinaghandaan ng ating kapulisan.
Sa talaan ng QCPD, tinatayang 7,000 raliyista ang nagdagsaan ang Commonwealth Avenue, pero bago pa man iyan – ito ang dapat na malaman niyo my Dear Fellow Filipino – pinagpuyatan sa loob ng ilang linggo ang paghahanda dito ng kapulisan ng QCPD.
Sa ilalim ng pamumuno ni QCPD Director, PBGen. Randy Glenn Silvio, at sa patnubay ni PNP Chief, PGen Jose Melencio Nartatez, Jr. at NCRPO Regional Director, PMGen Anthony A. Aberin, isinagawa ang masusing inter-agency coordination, simulation exercises, at dry-runs. Kung kaya, bago pa sumikat ang araw sa araw ng SONA, nakahanda na ang bawat plano para sa anumang posibleng sitwasyon.
Marahil ang komento ng iba sa ipinamalas ng QCPD, ay trabaho ng pulis ang pangalagaan ang kaayusan at katahimikan ng kapaligiran. Tama ka riyan Kabayan. Ngunit ito ay dapat na iyong malaman – sa ilalim ng mga helmet at uniform na iyon ay mga tao ring tulad natin—mga ama, ina, anak, at kapatid na nakatayo sa ilalim ng matinding mainit na araw sa loob ng 12 hanggang 18 oras.
Habang malayang isinawata ng libo-libong mamamayan ang kanilang saloobin, ang ating mga pulis ay nakatayo nang balikat-sa-balikat. Nakatayo sa gitna ng matinding init ng araw o biglaang buhos ng ulan nang walang pahinga.
Tinitiis ang gutom at uhaw kung saan kahit kumukulo ang tiyan at tuyo ang lalamunan, nanatiling nakatutok ang kanilang paningin sa pagpapanatili ng kapayapaan. At sa kabila pa ng mga kantiyaw at probokasyon, nanatiling kalmado at propesyonal ang kapulisan natin.
‘Ika nga, ang “maximum tolerance” ay hindi lamang basta polisiya kung hindi ito ay isang pagsubok sa karakter at disiplina at dito ipinakita ng QCPD ang tunay na propesyonalismo nang hawakan nila ang sitwasyon sa Commonwealth Avenue nang magkaroon ng nakahiwalay na insidente ng vandalism.
Nang mangyari ito, hindi nagpadala sa emosyon ang kapulisan. Sa 51 indibidwal na dinakip, 9 ang may paglabag sa batas at isinailalim sa inquest proceedings. Habang ang 12 minor na nasagip ay maingat na inasikaso ng Women and Children Protection Desk (WCPD) at Social Services (SSDD) bago ligtas na isinauli sa kanilang mga magulang.
Sa QCPD: District Director PBrig. Gen. Silvio; Deputy District Director for Administration PCol. Joel A Villanueva; Deputy District for Operation PCol. Robert D Lingbawan; Chief District Directorial Staff PCol. Julius B Sagandoy at sa buong hanay ng QC police force, sa mga augmentation forces, at sa lahat ng force multipliers — salamat. Pinatunayan ninyo na ang tunay na lakas ng pagpapatupad ng batas ay hindi nasusukat sa karahasan, kundi sa pagtitimpi, dedikasyon, at tapat na paglilingkod. Tiniis ninyo ang gutom, uhaw, at pagod upang maging ligtas ang bawat isa—mula sa mga dumalo sa rally hanggang sa mismong Pangulo ng bansa.
Mabuhay ang QCPD… at ang buong Philippine National Police!