AI powered drone ng Manila LGU ibinida ni Mayor Isko: Sistema kinilala sa GIS award sa Estados Unidos
Advertisers
Ibinida ni Manila Mayor Isko Moreno-Domagoso na kaya nang matukoy ng AI-powered drone ang pagbaha sa Maynila , dalawang oras bago mangyari gamit ang ArcGIS mapping.
Ang nasabing drone ay may 3D mapping na bahagi ng mga hakbangin ng pamahalaang lungsod para sa digital transformation.
“Kaya natin ma-predict kung magbabaha sa kwentada ng buhos ng tubig, ‘yung volume sa elevation ng lupa natin, at kung na-mapping natin ang lahat ng drainage. Easily, in a matter of few minutes madi-detect mo na na itong lugar na ‘to magbabaha 2 hours thereafter,” ani Domagoso.
Ayon sa kanya, hindi ordinaryong drone ito. May kakayahan itong Artificial Intelligence o AI at 3D mapping technology para ma-map ang lahat ng istruktura sa Maynila nang may millimeter precision.
“‘Yung drone na ito is not an ordinary drone, this has AI capabilities and 3D mapping capabilities,” dagdag niya.
Kinilala rin daw ang sistema ng lungsod nang tumanggap ang Maynila ng Special Achievement in GIS Award mula sa Esri sa San Diego noong nakaraang linggo.
Ginagamit ng Manila City Disaster Risk Reduction and Management Department (MCDRRMD) ang ArcGIS system para mamonitor ang lahat — mula sa kinalalagyan at kondisyon ng mga poste ng kuryente hanggang sa pagsunod sa zoning sa anim na distrito ng lungsod.
Sinabi rin ni Domagoso na namumuhunan ngayon ang lungsod sa data input at data banking para sa mga susunod na lider.
Layunin nito na magkaroon ng komprehensibong big data system na sasaklaw sa real property, business data, at health information hanggang sa barangay level.
“Pag sinabi ko let’s just say itong barangay na ito maraming mayroong TB, bakit nagkaroon ng TB? Ito maraming senior na may pulmon, dito maraming may sipon , ito ang health care data mapping, so magagawa mo ng intervention,”paliwanag ni Domagoso.
Dagdag pa ng alkalde, may praktikal din itong gamit sa disaster response. Ang kakayahang mahulaan ang pagbaha ay maaaring makasagip ng buhay at ari-arian dahil makaka-evacuate na ang mga residente bago pa dumating ang tubig.
“You’re saving lives and property, and those are the futures of Manila later on,”_ sabi ni Domagoso.
Nangako rin siya na ipagpapatuloy ng lungsod ang pag-iinvest sa digital infrastructure para ang bawat desisyon ng mga susunod na lider ay batay sa maaasahan at real-time na datos. (Jocelyn Domenden)