Advertisers
SINUSPINDE ng Land Transportation Office-Western Visayas (LTO-6) ang lisensya ng tsuper ng viral na pampasaherong jeep na nakuhanan ng video habang may mga pasaherong nakasakay sa bubong at nakakapit sa likuran at gilid ng sasakyan sa Iloilo.
Ayon sa LTO-6, ipinataw ang 90-day preventive suspension habang nagpapatuloy ang administratibong imbestigasyon matapos makita sa viral video ang pampasaherong jeep na bumibiyahe mula Pavia People’s Terminal sa Ungka, Pavia patu-ngong Inca, Lambunao, Iloilo.
Kasabay nito, naglabas din ang LTO-6 Intelligence and Investigation Unit (IIU) ng show cause order laban sa operator ng naturang jeep.
Sa paunang imbestigasyon, napag-alaman na walang valid conductor’s license ang konduktor ng naturang unit.
Ayon sa LTO-6, lumabag ang driver at operator sa Republic Act No. 4136, nagbabawal sa pagsakay ng mga pasahero sa bubong, labas o likuran ng umaandar na sasakyan, gayundin sa Joint Administrative Order No. 2014-01 kaugnay ng ligtas na operasyon ng mga pampasaherong sasakyan.
Muling nagbabala ang ahensya na mahigpit na sundin ang Fleet Management System (FMS) para sa mga pampublikong sasakyan sa ila-lim ng Public Transport Modernization Program.