Advertisers
Iginiit ni lead prosecutor at Batangas Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro na si Vice President Sara Z. Duterte, bilang dating pinuno ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd), ang nananatiling pangunahing may pananagutan sa paggamit ng confidential funds, anuman ang maging testimonya ng kanyang mga dating Special Disbursing Officers (SDOs) sa Senado.
Sa online press briefing nitong Huwebes, sinabi ni Luistro na malinaw ang naging pahayag ni Commission on Audit (COA) State Auditor Roderick Wamil sa impeachment trial na, batay sa COA-DBM Joint Circular No. 2015-01, kabilang ang head of agency sa mga pangunahing accountable sa confidential funds.
“Kahit magbago pa sila ng testimonya, klaro na ang naging posisyon ng state auditor. Ang head of the agency ay nananatiling isa sa mga principally accountable parties,” ani Luistro.
Dagdag pa niya:
“Iniutos man o hindi, maliwanag ang probisyon ng Joint Circular na nananatiling principally liable ang head of agency.”
Ang pahayag ni Luistro ay ginawa bago ang inaasahang pagtestigo nina dating OVP Special Disbursing Officer Gina Acosta at dating DepEd Special Disbursing Officer Edward Fajarda, na inaasahang ihaharap ng prosekusyon bilang mga hostile witness.
Ayon kay Luistro, itinuturing silang hostile witnesses dahil konektado sila sa mga pangyayaring nakasaad sa Articles of Impeachment.
Binigyang-diin din niya na mahalaga ang kanilang testimonya dahil sila mismo ang humawak sa confidential funds bilang mga SDO.
“Bilang SDO, sila ang dapat pinakanakaaalam kung ano ang nangyari sa pondong ito. Kaya napakahalaga ng kanilang mga sinumpaang salaysay sa impeachment trial,” ani Luistro.
Umaasa rin siya na mananatiling pareho ang kanilang testimonya sa mga nauna nilang isinumite sa pagdinig ng House Committee on Good Government and Public Accountability noong ika-19 na Kongreso.
“Sana maging consistent sila sa kung ano ang sinabi nila noon. Hindi ko maiintindihan kung bakit mababago ang kanilang kuwento matapos ang malinaw nilang salaysay sa pagdinig.”
Sa imbestigasyon ng Kamara, inamin ni Acosta na matapos niyang ma-encash ang confidential funds ng OVP, ipinasa niya ang perang cash kay dating OVP security officer Col. Raymund Dante Lachica, ayon umano sa utos ni Duterte.
Ganoon din ang naging testimonya ni Fajarda, na nagsabing matapos niyang ma-encash ang confidential funds ng DepEd, ibinigay niya ang cash kay dating DepEd security officer Col. Dennis Nolasco, alinsunod din umano sa utos ni Duterte noong siya pa ang kalihim ng DepEd.
Kapwa rin nilang sinabi na hindi sila ang personal na namahagi ng confidential funds sa mga nakalistang benepisyaryo dahil ang mga security officer umano ang nagsagawa ng distribusyon.
Nauna nang tumestigo ang dalawang dating department manager ng Land Bank na sina Violeta Constantino at Nenita Camposano, na nagsabing umabot sa ?612.5 milyon ang kabuuang confidential funds na na-encash nina Acosta at Fajarda.
Ayon kay Constantino, apat na Treasury checks na tig-?125 milyon, o kabuuang ?500 milyon, ang na-encash ni Acosta para sa OVP mula Disyembre 2022 hanggang Hulyo 2023.
Samantala, sinabi ni Camposano na tatlong Treasury checks na tig-?37.5 milyon, o kabuuang ?112.5 milyon, ang na-encash ni Fajarda para sa DepEd sa parehong panahon.
Kinilala rin ni COA auditor Roderick Wamil sina Acosta at Fajarda bilang mga SDO na responsable sa liquidation ng naturang confidential funds.
Dagdag pa niya, ang liquidation reports at disbursement vouchers ng OVP at DepEd ay may pirma at pag-apruba ni Duterte bilang head of agency.
Binanggit din ni Wamil ang mga audit findings na kinabibilangan ng mga reward payment na walang sapat na suporta, mga gastusing hindi pinahihintulutan ng Joint Circular No. 2015-01, at kakulangan ng dokumentong nagpapatunay na naging matagumpay ang confidential o intelligence operations.