Outstanding Leaders at Humanitarian pinarangalan sa NVP1World Entertainment 8th Anniversary Gala sa Chicago
Advertisers
By Anne Venancio
Ipinagdiwang ng NVP1World Entertainment ang kanilang ika-8 anibersaryo sa pamamagitan ng isang gala night na ginanap noong Agosto 8, 2026 sa HK Banquet sa Addison at Harlem Streets sa Chicago.
Kasabay ng selebrasyon ang pagbabalik ng NVP1World Honor Awards, na muling idinaos matapos itong pansamantalang mahinto noong panahon ng pandemya. Patuloy namang isinulong ng organisasyon ang kanilang charitable initiatives sa ilalim ng SMILE WORLD Charities.
Kabilang sa mga pinarangalan ang FAASD Dance Group, na tumanggap ng Excellence in Arts (Dancing), at si Evelyn O. Francia, na kinilala sa Excellence in Music (Singing). Ginawaran din si Rosalinda Cañete ng Excellence in Humanitarianism, habang si Aurelia Pendon ay tumanggap ng Pastor Philip Tan Sr. Lifetime Achievement Award.
Kinilala rin sina Gemma Esmalla at Timotea Ramos bilang Distinct Women of Honor 2026, habang si Aaron Del Mar, kandidato sa pagka-Lieutenant Governor ng Illinois, ay ginawaran bilang Distinct Man of Honor. Samantala, tumanggap si Margie Par, isang nurse ng Rush Oak Park Hospital, ng Excellence in Nursing para sa kanyang malaking ambag sa mentoring ng mga bagong nurses at pagpapabuti ng kalidad ng patient care.
Ang pinakamataas na parangal ng gabi, ang Legion of Honor, ay iginawad kay Evelyn Francia matapos mapili sa pamamagitan ng live voting ng mga dumalo. Bilang bahagi ng programa, inawit din niya ang kanyang unreleased single na “Sama Sama Tayo,” na nakatakdang ilabas sa Disyembre 2026.
Samantala, inanunsyo rin ng founder ng NVP1World Entertainment na si Nick Vera Perez ang nalalapit na paglabas ng kanyang ikapitong album na “Reminiscing,” na naglalaman ng mga revival songs at nostalgic favorites. Nakatakda rin siyang bumisita sa Maynila sa Mayo 2027 para sa promotional tour ng kanyang bagong album.
Patuloy na isinusulong ng NVP1World Entertainment ang pagkilala sa kahusayan sa sining, musika, humanitarian work, at serbisyo sa komunidad sa pamamagitan ng mga programa at proyektong nagbibigay-inspirasyon sa mga Filipino sa iba’t ibang panig ng mundo.