Advertisers

Advertisers

OVP CONFI FUNDS NILUSTAY LANG SA X-MAS AT REGALO!

0 5

Advertisers

IPINAHAYAG ng state auditor ng Commission on Audit (COA) na ginamit ng Office of the Vice President (OVP) ang confidential funds para sa mga aktibidad tulad ng Christmas activities, pamimigay ng regalo, tree planting at iba pang gawain na hindi pinapayagan sa ilalim ng government rules.

Nagbigay ng testimonya si COA state auditor Xylene Del Campo nitong Martes sa pagpapatuloy ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, bilang tugon sa mga tanong ni prosecution counsel Atty. Lorna Kapunan.

Sinuri ni Del Campo ang listahan ng mga aktibidad na isinumite ng OVP bilang suporta sa paggamit nito ng confidential funds.

Kabilang sa mga nakalistang aktibidad ang: Christmas activity sa Happy Land, Tondo, Manila; Christmas activity at meeting ng isang extension office sa Tondo; Thanksgiving at update meeting kasama ang isang grupo ng mga tricycle operator; Tree planting; Pamamahagi ng mga wheelchair; Gift-giving; at Medical missions.

Tinanong ni Kapunan kung kabilang ang mga ito sa mga pinapayagang paggagamitan ng confidential funds sa ilalim ng Joint Circular No. 2015-01.

“Based po sa joint circular, hindi po ’to nakasama doon sa mga activities po under 4.8 kungsaan pwedeng gamitin ang confidential fund,” ani Del Campo.

Nang partikular na tanungin kung pinapayagan ang Christmas activities, tree planting, gift-giving at iba pang nakalistang aktibidad, malinaw ang sagot ng auditor:

“Hindi po.”

Itinuro rin ni Del Campo ang problema sa petsa ng ilan sa mga iniulat na aktibidad.

Ayon sa auditor, may mga aktibidad na isinagawa noong Disyembre 13 hanggang 18, 2022, samantalang ang cash advance ng OVP ay para lamang sa panahon ng Disyembre 21 hanggang 31.

Ipinaliwanag ni Del Campo na hindi maaaring gamitin ang pondong inilabas ng Disyembre 21 para i-reimburse ang mga gastusing naganap bago paman nito natanggap ang cash advance.

Kinumpirma rin niya na ang mga aktibidad ng Disyembre 13 hanggang 18 ay labas sa panahong sakop ng cash advance at hindi maaaring gamitan ng confidential funds para sa reimbursement.

Dahil sa mga nakita sa audit, naglabas ang COA Intelligence and Confidential Funds Audit Office (ICFAO) ng P73.287 milyong ‘Notice of Disallowance’.

Sa halagang ito, P69.787 milyon ang may kinalaman sa mga reward payment, habang P3.5 milyon ang para sa mga mesa at upuan, desktop computer at printer na isinisingil sa confidential fund nang walang ipinakitang patunay na ang mga ito ay para sa confidential operations.

Kinuwestiyon ng OVP ang disallowance, nguni’t sinabi ni Del Campo na pinagtibay ng COA Commission Proper ang buong P73.287-milyong disallowance sa desisyon nito Abril 10, 2026.

Iniharap ang testimonya ni Del Campo bilang bahagi ng ebidensiya ng House prosecution panel sa impeachment case laban kay Duterte kaugnay ng alegasyon ng maling paggamit ng confidential funds.