Advertisers

Advertisers

PAMAMAYAGPAG NG SUGAL SA ORIENTAL MINDORO NAKA ‘TIMBRE’ SA PD AT RD?

0 3

Advertisers

ISANG impormasyon ang natanggap ng BALYADOR mula sa isang miyembro ng samahan ng mga gambling operator sa Oriental Mindoro na ayaw banggitin ang kanyang pangalan bilang proteksyon na rin umano sa kanya.

Aniya, kaya patuloy na namamayagpag ang jueteng at ang kakupetensya nitong pergalan (perya-sugalan) dahil totoo umanong naka timbre sa tanggapan ni Oriental Mindoro Provincial Director PCol. Edison Revita at Police Regional Office MIMAROPA Regional Director Police Brigadier Gen. Christopher Dela Cruz ang operasyon ng “jueteng” at sugal lupa tulad ng “color games” at “drop ball baraha” na front ay Peryahan sa pamamagitan umano ng mga aktibong pulis na sina Sgt. Manalo, Sgt. Raymond, Sgt. Nonoy, at Sgt. Leynes.

Kunsabagay may punto ang nagpaabot ng impormasyon sa pitak na ito.

Paano nga naman mahihinto ang mga salot at perwisyong sugal kung may mga matataas na opisyal ng kapulisan at maimpluwensiyang pulitiko sa Oriental Mindoro ang tumatanggap ng “payola”.

Lumalabas tuloy na walang silbi ang Presidential Decree 1602 mula ng amyendahan ng Republic Act 9287 vs illegal gambling noong 2004.

Sa kabila ng mataas na penalty ay wala pang nakukulong kahit lantad ang operasyon nito sa lalawigan ni Governor Humerlito ‘Bonz’ Dolor.

Sa kabila ng pagbubunyag ng pitak na ito ay nananatiling tikom ang bibig nina Col. Revita at Gen. Dela Cruz sa dekada ng gambling operation.

Mabigat itong Republic Act (RA) 9287, pero hanggang ngayon ay walang naparusahan sa batas na ito na itinaas ang penalty ng mga perpetrators ng illegal gambling.

Sa bagsik ng batas na ito na pinirmahan noon ng dating Pangulong na ngayon ay Pampanga Congresswoman Gloria Macapagal Arroyo, na ang mga mananaya ay maaaring makulong ng hanggang tatlong buwan habang 10 taong pagkabilanggo naman sa mga protektor.

Walong taon naman na pagkabilanggo sa mga tauhan ng mga gambling operator/lord at kukumpiskahin ang bahay, gusali, sasakyan na ginagamit sa operasyon ng ilegal na sugal.

Makukulong din ng hanggang (12) taon ang maintainer, manager at operator ng ilegal na sugal; hanggang 14 taon naman sa mga financier o kapitalista at (20) taon sa kanilang mga protektor sa gobyerno.

Kapag public officials, elected man o appointed, ay tatanggalin sa puwesto at hindi na papayagang pumasok sa public service.

Matatandaan na noong panahon ni dating Governor Rodolfo G. Valencia naging “zero jueteng operation” ang buong Oriental Mindoro mula 1992 hanggang 2001 kung saan tanging si Valencia lamang ang tanging Gobernador ang nakapagpatigil ng sugal sa kanyang 3 termino.

Sabi nga ng dating gobernador RGV kung gusto nating mahinto ang jueteng at iba pang sugal sa wag tayong tumanggap ng lagay o payola. Mismo!

Dahil sa isyu ng proteksyon at payola maraming opisyal ng gobyerno ang nakasuhan at nasuspendi tulad ng patawan noon ng preventive suspension ng Ombudsman si Albay Gov. Edcel Greco “Grex” Lagman dahil sa kasong isinampa ni self-confessed jueteng bagman na si dating Anislag Brgy Kapitan Alwin Nimo ng bayan ng Daraga dahil sa pagtanggap ng “jueteng payola” na umabot sa P8.16 milyon noong sya pa ang bise-gobernador ng lalawigan.

Bukod dyan, sinampahan din noon ng kasong plunder sa tanggapan ng Ombudsman si Pangasinan Gov. Amado Espino Jr. dahil sa pagiging operator ng jueteng sa kanyang lalawigan at nagkamal umano ng P10-milyon kada buwan na aabot sa halos P1-bilyon.

Ang naturang kaso ay base na rin sa ibinulgar ni Mayor Ricardo Orduna ng Bugallon, Pangasinan isang self-confessed jueteng operator na bumaklas kay Espino at Brgy Chairman Fernando Alimagno alyas Boy Bata , isang noturyos jueteng financier o Bangka na nag-ooperate sa buong Pangasinan.

Labing-isang (11) opisyal din ng Pangasinan Provincial Police Office ang sinibak matapos mabunyag ng National Bureau of Investigation (NBI) ang malawakang operasyon ng ilegal na sugal na jueteng at pergalan sa lalawigan.

Kabilang sa mga inalis sa puwesto ang 1 police colonel, 5 lieutenant colonel, 3 major, at 2 kapitan na inilipat sa Police Holding and Accounting Unit (PHAU) at Directorate for Personnel and – Records Management (DPRM) ng Police ¬Regional Office 1.

Ang sabi ni Philippine National Police (PNP) Chief General Jose Melencio Nartatez Jr. na paigtingin at palakasin ang paggamit ng community intelligence upang mabilis na matukoy at mabuwag ang mga operasyon ng ilegal na sugal sa iba’t ibang komunidad sa buong bansa.

Ano ang silbi ng kampanya ni Nartatez kung patuloy namang nagbingi-bingihan at nagbulag-bulagan ang mga opisyal niya sa Oriental Mindoro sa hinaing at reklamo ng mga residente.

Samantala isang alyas Nani naman ang nangongolekta ng “weekly payola” at “good will” gamit ang tanggapan ni Gov. Dolor?!.

May kasunod pa!

***

Anumang reaksyon o suhestiyon itext sa 09368625001/09397177977 o di kaya mag email sa balyador69@gmail.com