Advertisers
Sa makabagong panahon ngayon at modernong teknolohiya ay maingat na pinapagpag ang mga inaagiw nang kasaysayan na pinagsumikapan at ipinaglaban ng ating mga ninuno para makamit ang kalayaan mula sa pananakop ng mga banyaga.., na dapat ay mapahalagahan ang mga ito ng kasalukuyang henerasyon at sa mga susunod pang lahi sa ating bansa.
Nitong nakaraang Biyernes (AGOSTO 14, 2026) ay isinagawa ng NATIONAL HISTORICAL COMMISSION OF THE PHILIPPINES (NHCP) ang NATIONAL HISTORICAL COMMISSION MEDIA DAY na kabilang sa mga naimbitahan ay ang NATIONAL PRESS CLUB OFFICERS (kabilang dito ang inyong lingkod bilang isa mga NPC BOARD OF DIRECTORS).., na aming nasaksihan ang ginagawang pagpapahalaga sa iba’t ibang kasaysayan ng ating mga ninuno sa paraang pangangalap, pananaliksik at pagdodokumento ng mga detalye kabilang ang maingat na pagtanggal ng mga agiw sa iba’t ibang mga nalikhang orihinal na mga larawan ng mga personalidad, na nag-ambag ng malaking sakripisyo para makamit ang ninasang kalayaan mula sa kuko ng mga banyagang mapanakop.
Sa pagtungo sa tanggapan ng NHCP ay namangha ako at ng ilang MEDIA PRACTITIONERS na mga kapuwa ko SENIOR AGE dahil sa inakala naming mga makakaharap na mga HISTORIAN ay mga kasing-edad namin ay kaibayo pala sa aming mga nakaharap.., kasi halos pawang mga kabataan o mga kabataang milenyal ang mga kawani ng NHCP. Indikasyon ito na may mga kabataan pa rin ang nagpapahalaga sa mga kasaysayan mula sa ating mga ninuno at mga lugar na nagsusumikap sa pagsasaliksik ng mga detalye upang maidokumentaryo ang iba’t ibang kaganapan sa lahat ng sulok ng ating bansa.
Sa loob ng NHCP ay ipinakita ng mga kawani ang kanilang laboratoryo na roo’y isinasagawa ang restoration o pinanunumbalik ang orihinal na larawan ng mga nagsisikupas nang obra maestra sa larangan ng sining pagpipinta’t paglililok tulad sa mga larawan ni GAT JOSE RIZAL.
Matapos igala sa loob ng NHCP ay ipinasyal naman ang mga MEDIA PRACTITIONER sa PINAGLABANAN MEMORIAL SHRINE sa SAN JUAN CITY na ipinakita ng NHCP ang iba’t ibang memorabilia ni GAT ANDRES BONIFACIO.., na noon ko lang din nalaman na bago napangasawa ni BONIFACIO si GREGORIA DE JESUS na kilala sa palayaw na ORYANG ay pangalawang asawa na pala ito ng nagtatag ng KATIPUNAN dahil nabalo ito. Si BONIFACIO ay edad 29 at si ORYANG naman ay edad 18 noong sila ay unang nagkakilala at ito rin ang unang babaeng sumapi sa KATIPUNAN na kalauna’y kinikala ito bilang MOTHER OF KATIPUNAN at MOTHER OF THE PHILIPPINE REVOLUTION.
Sunod na ipinakita naman ng NHCP ay ang EL DEPOSITO na historic underground stone reservoir na itinayo noong SPANISH COLONIAL PERIOD 1882 para mapagkuhanan ng tubig na magagamit ng mga residente sa Manila.., at sa naturang underground ay nakuha rito ang ilang kagamitan ng mga KATIPUNERO na makikita ngayon sa PINAGLABANAN SHRINE MUSEUM.
Mga ka-ARYA.., ang NHCP na pinamumunuan ngayon ni REGALADO TROTA JOSE JR ay ang ahensiya ng ating gobyerno na nanghahawak para sa PHILIPPINE HISTORY PROMOTION, HISTORICAL SITES, ARCHITECTURAL CONSERVATION at HERALDRY WORKS.., na dapat lamang mapahalagahan ng mamamayan ang lahat ng mga kasaysayang pumapaloob sa ating bansa!
***
Kung may reaksiyon lalo na sa mga nakakanti ng ating kolum ay maaari po kayong mag-email sa corpuzirwin074@gmail.com para sa inyo pong mga panig.