Advertisers

Advertisers

OPM Hitmen ‘di pa kupas, mas aarangkada sa live music sa EchoJham Entertainment

0 9

Advertisers

Ni Anne Vennacio

Hindi pa rin kupas ang OPM Hitmen, kahit patuloy na dumarami ang mga bagong sibol na mang-aawit sa industriya. Nanatili ang kanilang karisma at solidong fan base, na pinatunayan nina Richard Reynoso, Rannie Raymundo at Chad Borja matapos silang opisyal na pumirma sa EchoJham Entertainment Productions, na pinamumunuan ni Juan Angelo Arenas, noong Agosto 8 sa Mesa Restaurant sa Timog, Quezon City.

Sa bagong partnership, inaasahang mas marami pang concerts, live shows at entertainment projects ang gagawin ng veteran singing trio.

Para sa OPM Hitmen, nananatiling relevant ang live performances kahit nasa panahon na tayo ng streaming, social media at digital entertainment.

Para kay Chad Borja, swak na swak ang partnership dahil parehong alam ng grupo at ng production house ang kanilang strengths.

“Alam naman nila na strength talaga namin ang live shows. Experts sila sa production, kami naman sa talent, kaya win-win talaga. Sila ang means, kami ang talent. Swak na magsama,” ani Borja.

Malaking bagay naman para kay Richard Reynoso ang pagkakaroon ng bagong partner na handang suportahan ang kanilang career at patuloy na maniwala sa kanilang kakayahan.

“Feeling ko, nakahanap kami sa EchoJham ng parang home na talagang susuporta at mag-aalaga sa amin. Ang hirap makahanap ngayon ng partner na willing talagang sumugal sa ’yo, lalo na hindi na rin kami bagets. Kaya super grateful ako,” pahayag ni Reynoso.

Samantala, para kay Rannie Raymundo, walang makakatalo sa energy at connection na nabubuo kapag harapan ang performance.

“Iba pa rin talaga kapag live. Ramdam mo yung energy ng audience, tapos instant ang reaction. Alam mo agad kung bet nila o hindi yung ginagawa mo. Walang filter-filter!” ani Raymundo.

Nagsimula ang OPM Hitmen noong 2012, nang maimbitahan sina Reynoso at Raymundo na gumawa ng production number para sa isang show. Matapos nilang ma-enjoy ang kanilang collaboration, naisip nilang isama si Borja sa grupo.

Mas interesting ang kanilang journey dahil dati nang naging musical rivals sina Borja at Raymundo bago sila tuluyang naging magkakampi sa entablado.

Sa paglipas ng mga taon, nakilala ang OPM Hitmen sa kanilang production numbers at live performances, kung saan malaking bahagi ng kanilang shows ay nakasentro sa pagkanta. Nakamit din ng grupo ang mga pagkilala kabilang ang Best Group at Best Concert awards.

Ngayon, mahigit isang dekada na mula nang mabuo ang grupo, patuloy pa rin nilang ipinapakita na may sariling magic ang live entertainment.

Sa panahon ng Spotify, YouTube, TikTok at iba pang streaming platforms, mas madali nang makinig at manood ng performances online. Pero para sa OPM Hitmen, iba pa rin ang experience kapag nasa venue mismo ang audience.

May crowd energy, instant reaction at spontaneous moments na hindi kayang gayahin ng isang screen.

Ito rin ang strength na nakikita ng EchoJham Entertainment Productions sa veteran trio—ang kanilang experience, stage presence at kakayahang panatilihing engaged ang audience mula simula hanggang matapos ang show.