Advertisers
Ni Anne Venancio
Sa showbiz, mabilis magbago ang uso. Ngayon sikat ka, bukas may bagong pangalan nang pinag-uusapan. Kaya malaking achievement ang manatili sa industriya nang ilang dekada.
Para kay Pops Fernandez, apat na dekada na niyang pinapatunayan na hindi lang kasikatan ang kailangan para tumagal. Ayon sa singer, wala siyang espesyal na formula. Mas pinili niyang huwag bigyan ng sobrang pressure ang sarili habang nananatiling updated sa mga nangyayari sa industriya.
Alam din ni Pops na laging may mga bagong artista. Kaya kapag kailangan niyang mawala muna sa spotlight, ginagawa niya ito. Kapag handa na siyang bumalik sa entablado, natutuwa siyang tinatanggap pa rin siya ng kanyang mga tagahanga.
Sa Nobyembre 26, muling haharap si Pops sa live audience sa Newport Performing Arts Theater para sa isang espesyal na concert, ilang linggo bago ang kanyang ika-60 kaarawan sa Disyembre 12.
Para sa kanya, hindi hadlang ang edad. Mas mahalaga kung paano mo inaalagaan ang sarili at kung gaano mo pa kamahal ang ginagawa mo.
At isang bagay ang malinaw kay Pops: live performance dapat. Para sa kanya, malaking bawal ang lip-syncing dahil iba pa rin ang tunay na koneksyon sa audience.
Sa kabila ng 40 taon, hindi pa siya tapos. Gusto pa rin niyang kumanta at umakyat sa entablado hangga’t kaya niya.