Advertisers
May mga insidenteng sa unang tingin ay tila malinaw na, ngunit habang lumalalim ang imbestigasyon, mas marami palang tanong ang kailangang sagutin. Isa rito ang raid ng Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) sa isang warehouse sa Santa Maria, Bulacan noong nakaraang buwan.
Batay sa isang investigation report na isinumite kay Bureau of Customs (BOC) Commissioner Ariel Nepomuceno, may mga reklamo raw mula mismo sa ilang tauhan ng Customs Police-Enforcement Security Service (ESS) kaugnay ng naging operasyon at condemnation activity sa warehouse.
Ayon sa ulat, dalawang tauhan ng BOC na sina Special Agent Lucky Joy “Joy” Solmayor at Technical Support Staff Alexander “Alex” Arroyo Junior ang nanghimasok daw sa aktibidad at tinangkang ilipat ang mga sigarilyong dapat sana ay isinailalim sa condemnation?
May mga pahayag ding binitiwan ang dalawang personnel na maaaring magdulot daw ng pagdududa sa kanilang naging papel sa insidente. Ngunit mahalagang tandaan na ang mga ito ay alegasyon pa lamang at kailangan pang mapatunayan.
Noong Agosto 28, sinampahan ng PNP-HPG sa korte sa Malolos City ang dalawang tauhan ng BOC kaugnay ng pagbebenta raw ng mga iligal na sigarilyo.
Mahalaga rin ang sinumpaang salaysay ng sinasabing middleman na si Jesus Froilan Carpiso, na positibong tinukoy ang dalawang tauhan ng Customs at iniuugnay sa pagtanggap daw ng kabayaran para sa 225 boxes ng smuggled Red Carnival cigarettes.
Lumilitaw din sa investigation report ang pagkakasangkot daw ng warehouse manager na si Joel Rana, na sinasabing naglabas ng baril at nagsagawa ng “dry firing” upang takutin ang mga tauhan ng ESS.
Isa pang mahalagang tanong ang dapat sagutin: sino ang awtorisadong magsagawa o mag-monitor ng condemnation activity? Ayon sa report, si Special Agent Solmayor lang daw ang may valid Mission Order para sa naturang gawain.
Kung mapapatunayan ang mga alegasyon, hindi lamang ito simpleng usapin ng paglabag ng isang empleyado.
Gayunman, hindi rin dapat basta-basta hatulan ang sinuman batay lamang sa investigation report o sa mga pahayag ng mga sangkot. Kailangang mabigyan ng pagkakataon ang bawat panig na maiharap ang kanilang ebidensya at depensa.
Mahalaga ring malinawan ang pagkakaiba raw sa mga unang naratibo ng PNP-HPG at BOC. Kung may mga bagong impormasyon na lumilitaw, dapat itong siyasatin at ipaliwanag nang malinaw sa publiko.
Kung kinakailangan, maaaring tingnan ng iba pang naaangkop na government oversight bodies ang insidente upang matiyak na walang itinatago at walang pinoprotektahan. Ang anumang paglahok dito ay dapat nakabatay sa mandato, ebidensya at wastong proseso.
May mga nananawagan naman na mas makakabuti raw na makialam na rin ang Malacañang, Kongreso at Office of the Ombudsman sa naturang usapin.
Sa totoo lang, hindi dapat maging kompetisyon ng dalawang ahensya ang bagay na ito.
Aba’y ang pinakamahalaga, malaman ang buong katotohanan, mapanagot ang sinumang mapatunayang lumabag sa batas at maprotektahan naman ang mga inosente.
Sa ganitong paraan lamang maibabalik at mapapanatili ang tiwala ng publiko sa mga institusyong inaasahang magsilbi nang tapat sa bayan.
***
Catch Gilbert Perdez on “TODO BALITA” every Saturday from 4:00 AM to 5:00 AM on DWIZ 882 AM and ALIW Channel 23, and on “BRGY. 882” from 7:00 AM to 8:00 AM. Tune in via ALIW Channel 23, DWIZ 882 AM, the DWIZ 882 Facebook page, or DWIZ On-Demand on YouTube. For comments and inquiries, you may contact him by email at gil.playwright@gmail.com.