Advertisers
APRUBADO na ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang batas na nagbabawal sa mga kamag-anak ng ilang pampublikong opisyal na lumahok sa mga kontrata at procurement ng gobyerno.
Sa ilalim ng Senate Bill No. 1962 o Government Contracting and Procurement Integrity Act, na inisponsor ni Senador Francis “Chiz” Escudero, hindi maaaring lumahok sa government procurement ang mga kamag-anak ng mga sakop na opisyal hanggang ikaapat na antas ng pagkakamag-anak sa dugo o sa bisa ng kasal.
Saklaw ng pagbabawal ang pagkuha ng government contracts, subcontracting, consortium, joint venture at iba pang katulad na kasunduan para sa pagpapatupad ng mga proyekto ng gobyerno.
Kabilang sa mga opisyal na sakop ng panukala ang mga halal na opisyal sa lokal at pambansang pamahalaan, mga kalihim, undersecretary at assistant secretary, gayundin ang mga opisyal at miyembro ng government-owned and controlled corporations at state universities and colleges.
Kasama rin ang mga opisyal at personnel na direktang sangkot sa procurement, gaya ng heads of procuring entities, Bids and Awards Committee members, technical working group, BAC Secretariat, project consultants at mga implementing unit.
Kabilang sa mga kamag-anak na sakop ng ikaapat na antas ang mga magulang, anak, kapatid, lolo at lola, apo, tiyuhin at tiyahin, pamangkin at first cousins, pati ang kanilang katumbas na kamag-anak sa bisa ng kasal o adoption.
Layunin ng panukala na maiwasan ang mga posibleng daan sa korapsyon at mapanatili ang patas, malinaw at walang kinikilingang proseso sa paggamit ng pondo ng bayan.
Ang panukala ay iniakda ni Senate President Sherwin Gatchalian kasama sina Senators Escudero, Christopher “Bong” Go, Joel Villanueva, Ronald “Bato” dela Rosa, JV Ejercito, Loren Legarda at Francis Pangilinan.
Kapag naisabatas, maaaring makulong ng isa hanggang tatlong taon at pagmultahin ng hindi bababa sa P100,000 ang mga lalabag, bukod sa habambuhay na pagbabawal sa paglahok sa government procurement.
Maaari ring managot ang pampublikong opisyal na sangkot sa paglabag sa ilalim ng mga batas laban sa graft and corruption, kabilang ang pagkakakulong, multa at perpetual disqualification sa paghawak ng pampublikong posisyon.