Advertisers
NILINAW ni Ombudsman Jesus Crispin C. Remulla na kasama sa tungkulin ng isang Acting Vice Mayor ang pagiging presiding officer ng Sangguniang Panlungsod.
Ginawa ang paglilinaw ni Remulla kasunod ng mga tanong tungkol sa awtoridad ni San Pablo City Acting Vice Mayor Shaira Aliyah Diaz.
Nagsimula ang isyu matapos suspendihin ng Ombudsman sina San Pablo City Mayor Arcadio “Najie” Gapangada Jr. at Vice Mayor Justin Colago.
Dahil kapwa suspendido ang dalawang halal na opisyal ng lungsod, umiral ang kaukulang order of succession kung saan naging Acting Mayor si First Councilor Carmela Acebedo at Acting Vice Mayor naman si Second Councilor Diaz.
Tinanong si Remulla tungkol sa isyu sa kanyang regular na radio program na DZRH Executive Session noong Sabado, Setyembre 12.
Napunta ang talakayan sa posisyong inihaharap ng ilang miyembro ng Sangguniang Panlungsod ng San Pablo na hindi umano awtomatikong kasama sa pagiging Acting Vice Mayor ang tungkulin bilang presiding officer.
“Ah hindi, kasama ’yun,” sabi ni Remulla.
Dagdag pa niya: “Sumulat lang sila.”
Kasunod nito, tinanong si Remulla na kung hindi kikilalanin si Diaz bilang presiding officer, sino ang mamumuno sa sesyon ng Sangguniang Panlungsod?
“Maresolba namin ’yan.” tugon ng Ombudsman.
Bahagi ng kontrobersiya ang DILG Opinion No. 10, s. 2025, na tumalakay sa isang Acting Vice Mayor na itinalaga habang nakaaprub na leave ang halal na Vice Mayor.
Iginiit ni Diaz na iba ang sitwasyon niya dahil nagkaroon ng vacancy matapos i-preventively suspend ang halal na Vice Mayor, at ang kanyang pag-upo bilang Acting Vice Mayor ay alinsunod sa kaukulang order of succession.
Noong Agosto 25, pormal na itinalaga ng Department of the Interior and Local Government si Diaz bilang Acting Vice Mayor. Nakasaad sa designation na siya ay “shall discharge the powers and perform the duties and functions of the Vice-Mayor until the termination of the vacancy, subject to all applicable law, rules and regulations.”
Humingi si Diaz kay DILG Secretary Juanito Victor Remulla ng pormal na nakasulat na paglilinaw kung saklaw ng designation ang tungkulin ng presiding officer sa ilalim ng Section 49(a) ng Local Government Code.
Sinabi ni Diaz na susundin niya ang anumang paglilinaw na ilalabas ng DILG.
Layunin ng kahilingan na maresolba ang paulit-ulit na usaping procedural at makapagpatuloy ang Sangguniang Panlungsod sa mga gawaing lehislatibo nito nang walang hindi kinakailangang kalituhan.