Advertisers
INAPRUBAHAN ng Senado sa ikatlo at pinal na pagbasa ang panukalang batas na magtatakda ng 5-taong termino para sa mga opisyal ng barangay at Sangguniang Kabataan (SK).
Labintatlong senador ang bumoto pabor sa Senate Bill No. 2387, habang lima ang tumutol—sina Senate President Pro Tempore Vicente “Tito” Sotto III at Senators Risa Hontiveros, Bam Aquino, Kiko Pangilinan, at Joel Villanueva. Wala namang nag-abstain.
Sa ilalim ng panukalang inisponsor ni Sen. Francis Escudero, papayagan ang dalawang termino para sa mga opisyal ng barangay at isang termino para sa mga opisyal ng SK.
Dahil dito, ipagpapaliban din ang Barangay at SK Elections na nakatakda sa Nobyembre 2, 2026, at ililipat sa ikalawang Lunes ng Nobyembre 2028.
Sa interpellation ng panukala, sinabi ni Sotto na ang panibagong postponement ay magkakait sa mga botante ng kanilang karapatang pumili ng kanilang mga lokal na lider.
Binigyang-diin din niya na walang kahit isang lungsod o munisipalidad sa bansa ang walang kasong kinahaharap na konsehal o opisyal ng barangay, kaya mahalagang mabigyan ng pagkakataon ang publiko na maghalal ng panibagong mga pinuno.
Naaprubahan na rin ng Kamara ang kaparehong panukala kaya isusunod itong talakayin sa bicameral conference committee bago isumite kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa kanyang lagda. (Mylene Alfonso)