Advertisers
ITINANGGI ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga pahayag na ang pag-aresto sa kanyang pinsan at dating House Speaker na si Martin Romualdez ay bahagi ng isang politikal na “drama,” at sinabing ang mga ganitong akusasyon ay mga pag-atake lamang laban sa kanyang administrasyon.
Sa isang media briefing noong Linggo matapos ang kanyang pagdalo sa 18th BRICS Summit sa India, tinanong si Marcos tungkol sa mga kritiko na nagsabing nakatatanggap ng espesyal na trato si Romualdez o kaya naman ay pakitang-tao lamang ang pag-aresto sa kanya.
Sinabi ni Marcos na ang mga ganitong pahayag ay hindi naman talaga tungkol sa mga proseso ng korte.
Aniya, naghahanap lamang ang mga kritiko ng masasabi upang pahinain ang kanyang imahe o insultuhin siya at ang kanyang administrasyon.
“Sa madaling salita, ang gusto nilang patunayan ay wala kang kwentang tao,” dagdag pa niya.
Sinabi ni Marcos na ang mga ganitong pahayag ay hindi dapat ituring na tunay na komento sa prosesong hudisyal na kinasasangkutan ni Romualdez.
Nahaharap si Romualdez sa mga legal na hakbang kaugnay ng mga alegasyong may kinalaman sa imbestigasyon ng gobyerno sa multi-bilyong pisong iskandalo sa flood control project.
Paulit-ulit na sinabi ng Pangulo na dapat managot ang mga may kasalanan anuman ang personal o politikal na ugnayan, habang binibigyang-diin na dapat ding bigyan ng angkop na proseso ang mga akusado. (Vanz Fernandez)