Advertisers

Advertisers

Dumating na ba ang parusa ng bayan kay Martin Romualdez?

0 3

Advertisers

Thank you, magagaling na doktor ng PGH at ibinisto nyo ang kaartehan ni former Speaker Martin Romualdez, aka Tambaloslos.

Sakit-sakit lamang pala siya, at sabi ng PGH doctors, medically stable, at hindi na kailangan na iospital si Tambaloslos, kaya , bravo sa utos ng Sandiganbayan 3rd Division na iutos ang confinement niya sa New Quezon City Jail Male Dormitory.

Duon na sa city jail, imomonitor daw ang nagsasakit-sakitan, ang magaling umarteng Famas Best Actor 2026 sa pelikulang “Plunder of the Century.”

At bantayan natin, please lang pakiusap sa mga opisyal ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa Payatas, no special treatment kay Martin — nakapokus ang mata ng bayan sa inyong pagbabantay kay Tambaloslos.

At bravo kay Justice Karl Miranda ng 3rd Division ng Sandiganbayan na nag-utos na ihoyo na si Martin, at maraming salamat sa ating PGH doctors, Dr. Gerardo Legaspi at mga katropa na sumuri sa health niya at nagsabi na pwede nang i-discharge at ideretso sa city jail.
***
Ano-ano ba ang kaso ni Tambaloslos na isinampa versus sa kanya ni Ombudsman Boying Remulla (ang galing mo, Boss Jesus Crispin, mabuhay ka!).

Plunder case na halagang ?7.2–?7.44 bilyon ang kinamal ni Martin, allegedly, ayon sa Ombudsman sa kickbacks mula sa flood control at infrastructure projects (2022–2025).

Minemaintain niya na siya raw ay innocent, sabi ni Tambaloslos, well, bahala na sa’yo si Boss Boying na maidiin ka sa kaso na nagpapakalubog pa hanggang ngayon sa baha – na ikinamatay ng maraming tao sa pagkalunod, pagguho ng lupa at pagkawasak ng kabuhayan ng maraming pamilya na kagagawan ng historic plunder mo, ayon sa Peanut Gallery Media Network.
***
Atin din ding binabati ang PGMN at founder nito, si Francis Mabanta na sabi niya, historic triumph at malapit na pagbagsak ng pinakamakapangyarihang Speaker ng House.

Bunga ito, sabi ni Mabanta sa pagkagising ng taumbayan sa walang puknak na ginawa nilang anti-corruption drive sa loob ng 13 linggo, at ng 2,218 posts at 261.5 million views, wow!

Ang pagkapiit ni Tambaloslos, sabi ni Mabanta ay historic triumph daw dahil sa paniniwalang “malapit na pagbagsak ng pinakamakapangyarihang Speaker ng House.”

Ito, sabi ng PGMN ay totoong makasaysayan – siyempre sa pamamagitan din ng matapang na pagsasampa ng kasong plunder ni Ombudsman Boying Remulla –, ay bunga ng tinatawag niyang grassroots media activism laban sa isang makapangyarihang politiko.

Wow, kasama ang mga independent media outlet sa kampanyang ito, Sir Mabanta.

In fairness, ang mga paratang na plunder vs Martin ay didinggin pa ng Sandiganbayan, at sana, hindi magkatotoo ang pangamba noon ni Boss Boying na dahil sa bilyones ng akusado, maimpluwensiyahan ang mga mahistrado.

Mataas ang respeto natin sa Sandiganbayan, at hahatol sila, fairly, at ayon sa ebidensiya at testimonya ng mga testigo.
***
Pandaramong sa national treasury na bilyones pesos ang halagang nakulimbat ng pangunahing utak na si Romualdez, at sa pagbagsak ni Martin sa kapangyarihan, at siya na ba ang isa sa Big Fish na nahuli ni Ombudsman Boying Remulla?

May simbolismo ang pagkapiit ngayon ni Martin sa QC jail: may matatapang na ngipin at pangil ang anticorruption drive ng Ombudsman.

Ang kaartehan at sakit-sakitan ni Romualdez ay pag-iwas sa piitan, pero hindi siya umubra sa totoong doktor ng bayan ng PGH, ang dating pinakamakapangyarihang lider sa Kongreso, pinsan ng Pangulo, at may kontrol sa flood control funding ay nakahawla ngayon, at ito ay nagpapakita ng malinaw na pagkawala ng political immunity na karaniwang tinatamasa ng mga mataas na opisyal.

Sa pangyayari, nagkakaroon ng tiwala ang taumbayan, at tumitiwala ang publiko na matapat si PBBM sa pangako niya na mananagot ang dapat managot, kahit pa kapamilya niya, at ito ang ating nasasaksihan ngayon.

May pagkakapantay-pantay sa hustisya, ito ang nakikita sa pagkakulong ng isang Big Fish sa AntiCorruption Drive ng pamahalaang ito at ng Ombudsman.

Makasaysayan kasi ang ?56bilyong kickbacks na iniuugnay kay Romualdez ay isa sa pinakamalaking kaso ng plunder sa kasaysayan ng bansa.

Ang pagkahuli at pagkakulong niya ay nagbubukas ng puwang sa House leadership at maaaring magdulot ng realignment ng kapangyarihan sa Kongreso.

At sana, ang iba pang sinasabing kasabwat ni Martin – mga kongresista, contractor at iba pa sa media na kumukunsinti sa pandarambong na ito, ay mailantad na rin sa gagawing pagdinig ng Sandiganbayan 3rd division.

May sagisgag ito – sa piitan, nawala ang prestige at kapangyarihan ni Romualdez, at tumitindi ang panawagan ng Katarungan.

Ayon sa Ombudsman, siya ang pangunahing utak sa ?56 bilyong kickbacks mula sa flood control projects — mga proyektong dapat sana’y nagligtas ng buhay at kabuhayan ay ginawang cash cow ng iilang makapangyarihan.

Sa halip na proteksiyon laban sa kalamidad, sa baha, ang natikman ng sambayanan ay delubyo ng kahirapan at pagkasira ng kabuhayan.

Ang kabanyaman ay ginawang pansariling alkansiya ng kasakiman.

Sinusulat natin ito, maraming komunidad sa buong Luzon ay nagdurusa sa kasalanan ng iilan, nakalubog sa kahirapan at kawalan ng pag-asa.

Dumating na ba ang parusa ng bayan kay Martin?

Tuluyan na nga bang babagsak siya sa kapangyarihan.

Simbolo na ba ng pag-asa na may hustisya pa sa bansang matagal nang binayo ng korapsyon ang pagkapiit ni Tambaloslos.

Nagsisimula pa lamang ang laban, ating samahan ang mga kalaban ng korapsiyon at pagdusahin ang totoong may kasalanan.
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com.