Advertisers
Ni ARCHIE LIAO
Muling magpapakita ng husay at talento ang ilan sa pinakamalalaking pangalan sa Philippine entertainment industry sa Puregold CinePanalo Film Festival 2026. Pitong full-length films ang tampok sa bagong edisyon ng festival ngayong taon. Iba-iba ang kuwento, tema at genre ng bawat pelikula, kaya siguradong may mapagpipilian ang mga manonood—mula sa drama at romance hanggang sa comedy, supernatural at mga kuwentong tumatalakay sa pamilya at buhay.
Kabilang sa mga bibida sa pitong pelikula ang mga batikang artista at mga bagong henerasyon ng talento gaya nina John Arcilla, Zanjoe Marudo, Xyriel Manabat, Khalil Ramos, Agot Isidro, Joross Gamboa, Rochelle Pangilinan, juan karlos, Sassa Gurl, Ian Pangilinan at Rita Daniela.
Makakasama rin nila ang iba pang kapana-panabik na mga artista na magbibigay-buhay sa mga kuwentong inihanda para sa CinePanalo 2026.
Dahil sa star-studded cast at sari-saring kuwento ng pitong pelikula, inaasahang magiging isa na naman itong malaking selebrasyon ng pelikulang Pilipino at ng mga bagong boses sa industriya.
“This year’s seven full-length films show that Filipino stories can be both deeply meaningful and compelling to a wide audience,” ani Festival Chair and Puregold Senior Marketing Manager Ivy Hayagan-Piedad. “We hope to give these audiences films that not only entertain but also resonate with the experiences, values, and dreams that make us proudly Filipino,” dugtong niya.
Pinangungunahan nina Zanjoe Marudo at Rochelle Pangilinan ang “Apol of My Ai” ni Thop Nazareno, na tampok din ang baguhang aktor na si Zion Cruz.
Tungkol ito kay Apol, isang binatilyong unti-unting humaharap sa pagiging lalaki. Nagiging kumplikado ang relasyon nila ng kanyang ama dahil sa kanyang nararamdaman para sa choir teacher at isang masakit na desisyon ng ama. Sa huli, musika ang nagsisilbing tulay para muling mapalapit ang mag-ama.
Kasama rin sa cast sina Mads Nicolas, Kat Galang at Jacob Kawagdan.
Sa “Beast” ginagampanan ng award winning at internationally acclaimed actor na si John Arcilla ang papel ng isang matandang magsasaka na bumiyahe patungong Maynila kasama ang kanyang alagang kalabaw. Nauwi ang kanilang paglalakbay sa isang mahiwagang pakikipagsapalaran.
Mula sa direksyon ni Lawrence Fajardo, kasama sa supporting cast sina Ruslan Jacob, Candy Pangilinan, Karl Medina, XY Martillo, Raul Morit, Dax Alejandro, Onyl Torres, Marvin Yap, John Arceo, Neil Tolentino, Jemuel Satumba at Sol Samodio.
Tampok naman si Xyriel Manabat sa “Stuck on You ” bilang isang manikurista na hindi sinasadyang napasok sa trabaho ng isang hitman. Kailangang harapin niya ang isang mapanganib na sabwatan habang sinusubukang protektahan ang kanyang pamilya.
Kasama sa cast sina River Joseph, Roger Naldo, Bob Jbeili, Bombi Plata, Viggo Franco, JM Salvado, Joel Saracho at Renzie Aguilar. Ito ay mula sa direksyon ni Mikko Baldoza.
Sa “Patay Gutom” nagkaroon ng “third eye” ang karakter ni Khalil Ramos pagkatapos makakain ng handog sa multo. Tampok din sa pelikulang ito nina Carl Joseph Papa at Ian Pangilinan sina Ian Pangilinan, Agot Isidro at Cris Villanueva.
Sa “Mono No Aware” ni BC Amparado na kinunan pa sa Japan, tatalakayin ang hindi inaasahang ugnayan sa pagitan ng isang Filipino worker at isang matandang lalaking namumuhay nang mag-isa.Tampok dito sina Juan Karlos at veteran actor Perry Dizon.
Bida naman sina Sassa Gurl at Joao Constancia sa “Multwoh (Patay na Patay sa ’Yo)” tungkol sa isang queer college student na namatay at bumalik bilang multo upang sabihin ang pag-ibig na hindi niya nasabi noong nabubuhay. Sa direksyon ni Rodina Singh,nasa supporting cast sina John Lapus, Buboy Villar, Iyah Mina, Phi Palmos, Migs Almendras,Lui Manansala, Tart Carlos, Eric Fructuoso at iba pa.
Gumaganap naman si Joross Gamboa bilang isang ama na nakatanggap ng ?1,000 mula sa bagong halal na mayor sa “Wantawsan.” Ang simpleng planong bumili ng pagkain para sa kaarawan ng kanyang anak ay nauwi sa isang nakakatawa ngunit makabuluhang pagsubok sa kanyang mga prinsipyo. Sa obrang ito ni Joseph Abello ay tampok din sina Rita Daniela, Zion Cruz at Alwyn Uytingco.
“We are happy that Puregold CinePanalo has become a festival that today’s brightest actors want to take part in,” ayon kay Hayagan-Piedad. “It gives them the opportunity to be part of quality stories with heart and purpose,” pahabol niya.
Ayon pa sa festival director na si Chris Cahilig, mas pinaigting ang lineup ng festival ngayong taon.
Bukod sa 7 full-length films, mapapanood din ang 20 student short films sa festival.
Ang Puregold CinePanalo Film Festival 2026 ay idaraos mula Setyembre 23 hanggang Oktubre 4 sa Gateway Cineplex 18, Trinoma, Fairview Terraces, Feliz, Ayala Malls Circuit, Ayala Malls Manila Bay at Market! Market!