Advertisers

Advertisers

Villanueva sa TESDA: Daan patungo sa trabahong may mataas na sweldo, ibigay sa workers

0 2

Advertisers

Nanawagan si Senador Joel Villanueva na higit pang paigtingin ang pagsasanay sa mas matataas na antas ng technical-vocational (tech-voc) qualifications sa Pilipinas, dahil kailangan ng mga manggagawang Filipino ng higit pa sa entry-level certificates para makakuha ng trabahong may mataas na sahod.

Ginawa ni Villanueva ang mungkahi sa deliberasyon ng badyet ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) noong Huwebes, matapos mabunyag sa ulat na sa 1.45 milyong nagtapos, isang porsiyento lamang ang nakakuha ng National Certificate (NC) Level 5 o diploma-level courses.

Sa datos ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM 2), kung saan nagsisilbing co-chairperson si Villanueva, 93 porsiyento ang NC I at NC II holders.

Bagama’t pinuri ni Villanueva ang 81 porsiyentong employment rate ng TESDA graduates, marami ang kumikita nang mababa sa kasalukuyang umiiral na minimum wage.

Samantala, ang mga nakapagtapos ng NC IV at NC V ay nagpakita ng mas matataas na kita o sahod.

“We cannot keep training workers only for entry-level jobs when industries increasingly demand advanced technical skills, specialization, and supervisory capabilities,” sabi ni Villanueva, dating TESDA director general.

“If we want our Filipino workers to level up, TESDA must move up with them,” dagdag niya.

Natuklasan din ng EDCOM 2 na ang sistema ng TVET (technical-vocational education and training) sa Pilipinas ay humaharap sa mga patuloy na hamon sa kalidad, kabilang ang mga lumang Training Regulations, hindi magkakatugmang mga materyales sa pag-aaral, at kakulangan sa mga kwalipikadong tauhan o instruktor sa mga larangang may mataas na demand.

Sa pananaliksik ng Komisyon (EDCOM 2) kamakailan, natuklasan ang hindi pagtutugma ng mga programa sa pagsasanay at mga pamantayan ng industriya, limitadong pagkilala sa mga sertipikasyon, at kawalan ng pakikilahok ng pribadong sektor sa pagsasanay, pagtatasa, at sertipikasyon.

Ayon kay Villanueva, ang mga natuklasan ng EDCOM 2 ay nagpapatibay sa pangangailangang palawakin at palakasin ng TESDA ang mga programa sa mas matataas na antas ng kwalipikasyon, partikular na ang mga nakaayon sa mga industriyang nangangailangan ng mga natatangi at abanteng kasanayan.

“The question should no longer be simply, ‘How many did we train?’ We should be asking: How many became certified? How many moved to higher qualifications? How many obtained jobs that match their skills? And how many saw their incomes improve?” ani Villanueva.

“Employment alone is not the finish line. If a graduate is employed but remains trapped in low-paying work, then we have to ask whether the training is really giving that worker a pathway to better opportunities and better lives,” dagdag pa niya. (JERRY S. TAN)