Advertisers

Advertisers

Joross Gamboa after 22 years naging bida na sa pelikula

0 3

Advertisers

Ni Beth Gelena

Mahigit dalawang dekada na sa showbiz si Joross Gamboa, pero ngayong 2026 lamang niya mararanasan ang isang mahalagang milestone—ang maging pangunahing bida sa isang full-length film sa pamamagitan ng Wantawsan.

Nagsimula ang showbiz journey ni Joross noong 2004, nang maging bahagi siya ng unang season ng Star Circle Quest. Isa siya sa mga finalist at nagtapos bilang second runner-up sa talent search na nagsilbing daan para makapasok siya sa mundo ng showbiz.



Mula noon, unti-unti niyang nabuo ang kanyang pangalan sa industriya. Dumaan siya sa iba’t ibang proyekto sa telebisyon at pelikula at nakatrabaho ang iba’t ibang network at mga de kalibreng artista.

Hindi man siya palaging nasa sentro ng kuwento, naging bahagi siya ng maraming produksiyon at nakilala sa kanyang kakayahang magbigay-buhay sa iba’t ibang karakter.



Sa ganitong background mas nagiging makahulugan ang pagkakataong ibinigay sa kanya ng Wantawsan.

Sa pelikula, siya ang gumaganap bilang Chito, isang ama na tumatanggap ng ?1,000 mula sa bagong halal na mayor na sinuportahan niya. Balak niyang gamitin ang pera para makabili ng pagkain para sa birthday ng kanyang anak, ngunit nauwi sa mas komplikadong sitwasyon ang isang simpleng birthday errand.



Ang pelikula ay napapanhon ngayon sa nangyayari sa gobyerno.

Dito umiikot ang hamon sa karakter ni Joross—hindi lamang kung paano niya haharapin ang sunod-sunod na problema, kundi kung paano niya pananatilihin ang kanyang mga pinahahalagahan habang sinusubukang matupad ang isang simpleng pangarap para sa kanyang pamilya.

Ginagamit ang sitwasyon ng isang ordinaryong ama para talakayin ang responsibilidad, pagpapahalaga at mga desisyong kailangang gawin kapag limitado ang mayroon ka.

Isinulat at idinirehe ni Joseph Abello ang Wantawsan, kasama sa pangunahing cast sina Zion Cruz, Rita Daniela at Alwyn Uytingco.

Para kay Joross, kapansin-pansin ang timing ng pagkakataong ito. Mula sa pagiging isang batang hopeful sa Star Circle Quest noong 2004, dumating siya sa puntong siya naman ang binigyan ng malaking responsibilidad na dalhin ang isang buong kuwento sa pelikula.

Mapapanood ang Wantawsan bilang bahagi ng Puregold CinePanalo Film Festival 2026, na gaganapin mula Setyembre 23 hanggang Oktubre 4, 2026 sa mga piling sinehan.

Sa mahaba niyang paglalakbay sa showbiz, ang Wantawsan ay maituturing na panibagong hakbang para kay Joross—mula sa pagiging isa sa mga batang nadiskubre sa isang artista search hanggang sa pagiging aktor na ngayon ay pinagkakatiwalaang manguna sa sariling pelikula.