Advertisers
BINAWI ng Senate Impeachment Court nitong Miyerkules, Sept. 24, 2026, ang nauna nitong desisyon na awtomatikong nangangailangan ng 16 boto para mahatulan sa impeachment si Vice President Sara Duterte.
Sa bagong ruling, ang bilang ng mga boto na kakailanganin para sa conviction ay ibabatay lamang sa mga senator-judge na legal at aktuwal na makalahok sa oras ng pinal na botohan.
Inaprubahan ng impeachment court ang apela ni Senator-Judge Erwin Tulfo sa botong 13 pabor, isang tutol, at anim hindi lumahok.
Si Senate President at Presiding Officer Francis “Chiz” Escudero lamang ang bumoto laban sa apela.
“It is therefore 13 affirmative votes, 1 negative vote, and 6 did not participate,” pahayag ni Escudero matapos ang botohan.
Hindi lumahok sa threshold vote sina Senator-Judges Alan Peter Cayetano, Pia Cayetano, Bong Go, Imee Marcos, Camille Villar at Robin Padilla.
Binaligtad ng bagong desisyon ang ruling ni Escudero noong Hulyo 6, na nagsasabing kailangan ng 16 boto, o two-thirds ng buong 24-miyembrong Senado, upang ma-convict si Duterte.
Naglabas ng bagong interpretasyon ang korte matapos dinggin ang posisyon ng apat na amici curiae noong Setyembre 16 at ang oral arguments ng prosecution at defense nitong Miyerkules.
‘DI NA AUTOMATIC 16 BOTO
Bagama’t hindi sang-ayon si Escudero sa naging desisyon ng nakararami, sinabi niyang ipatutupad niya ito.
“The presiding officer, after all, is not the court. He is merely the custodian of the process, not the proprietor of its outcome,” ani Escudero.
Sa bagong controlling ruling, ang pariralang “all the Members of the Senate” sa Konstitusyon ay tumutukoy sa mga senator-judge na, sa oras ng verdict, ay legal at aktuwal na may kakayahang lumahok sa impeachment proceedings.
Ayon kay Escudero, maaaring hindi isama sa counting base ang isang senador kung kabilang ito sa alinman sa mga sumusunod:
Detained o legally restrained – nakakulong, suspendido o may legal na hadlang upang gampanan ang tungkulin bilang senador;
Hinahanap ng mga awtoridad – hindi matukoy ang kinaroroonan at hindi makalahok;
Physically o medically incapacitated – hindi makalahok dahil sa pisikal o medikal na kondisyon;
Beyond the Senate’s coercive processes – hindi maaaring piliting lumahok ng impeachment court; at
Iba pang kahalintulad na sitwasyon – iba pang pangyayaring maituturing na katumbas ng mga nabanggit.
Gayunman, nilinaw ng korte na hindi awtomatikong inaalis ang isang senador sa bilang dahil lamang sa pagkakaroon ng isa sa mga sitwasyong ito.
Kailangan munang matukoy, batay sa sapat at wastong ebidensiya, kung pasok ang isang senator-judge sa alinman sa mga kategoryang itinakda ng korte.
Ang mga natitirang kwalipikadong miyembro ang magiging denominator o batayan sa pagkukuwenta ng kinakailangang two-thirds vote.
HALIMBAWA: 20 SENADOR, 14 BOTO ANG KAILANGAN
Mananatili ang constitutional requirement na two-thirds, ngunit maaaring magbago ang bilang ng mga botong kailangan depende sa dami ng senator-judge na kwalipikadong bumoto.
Halimbawa, kung 20 miyembro lamang ang kabilang sa counting base, ang two-thirds ay 13.33.
Dahil walang fraction ng boto, iaakyat ito sa susunod na buong numero. Kaya magiging 14 na boto ang kailangan para sa conviction.
“Where the computation of two-thirds results in a fraction, the number of votes required for conviction shall be rounded up to the next higher whole number, even if the fraction is less than 0.5,” paliwanag ni Escudero.
“TWO-THIRDS OF HOW MANY?”
Sa oral arguments, iginiit ni House prosecutor at Akbayan Rep. Chel Diokno na ang usapin ay hindi tungkol sa pagbabago ng two-thirds requirement ng Konstitusyon kundi sa bilang ng mga miyembro na pagbabatayan nito.
“The Constitution requires two-thirds. The question before this Court is: Two-thirds of how many?” ani Diokno.
PARA SA TRIAL NI VP SARA LAMANG
Nilimitahan din ni Escudero ang bisa ng bagong ruling.
Aniya, ang interpretasyon ay pro hac vice, o para lamang sa kasalukuyang impeachment trial ni Duterte, dahil nagmula ito sa mga pambihirang sitwasyong hindi pa nangyari sa mga nakaraang impeachment proceedings.
Hindi aniya ito magiging binding precedent sa mga susunod na impeachment trial ng Senado.
Dahil dito, ang bagong formula ang gagamitin sa mga natitirang proseso at sa huling botohan sa impeachment case ni Duterte.
Sa oras ng verdict, tutukuyin muna ng impeachment court kung sinu-sino ang mga kwalipikadong senator-judge na maaaring bumoto. Mula rito, kukuwentahin ang two-thirds requirement at iaakyat sa susunod na buong numero ang anumang fraction.