Advertisers
INENDORSO ni dating Vice President ngayo’y Naga City Mayor Leni Robredo si Supreme Court Senior Associate Justice Marvic Leonen upang maging susunod na Punong Mahistrado ng Korte Suprema.
Sa isang opisyal na liham kay Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na may petsang Setyembre 11, 2026 at tinanggap ng Supreme Court-Judicial and Bar Council at Office of the Chief Justice nitong Seteymbre 23, pormal na inirerekomenda ni Robredo ang Senior Justice para sa pinakamataas na pwesto sa hudikatura.
“With great honor, I nominate and endorse Senior Associate Justice Marvic Leonen to be the next Chief Justice of the Republic of the Philippines,” diin ni Robredo sa kanyang liham kay Pangulong Marcos.
Binigyang-diin ng alkalde na si Leonen ang pinakamatagal na naglilingkod sa kasalukuyang komposition ng Korte Suprema at nagpakita ng kahusayang higit pa sa itinatakda ng Saligang Batas.
“Justice Marvic Leonen is the most senior among all the justices of the Court. He has proven to be way beyond the constitutional requirements of competence, independence, probity, and integrity. As a justice, his current docket is one of the lowest in the Court. He has also displayed mature, effective, and collegial leadership in the administration of justice” giit ng dating bise presidente.
Inisa-isa rin sa liham ang mga nagawa ni Leonen sa loob ng halos 14 taon sa Korte Suprema, kabilang ang pag-akda ng libo-libong ponencia at hiwalay na opinyon, pamumuno sa modernisasyon gaya ng eCourt PH at guidelines sa paggamit ng Artificial Intelligence (AI), pati na ang kauna-unahang digital at localized Bar Examinations noong 2020–2021.
Binigyang-diin din ang naging papel nito bilang dating chief peace negotiator sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) at ang kanyang background bilang public interest lawyer.
Aniya, ang pamumuno ni Leonen ay kailangan ng bansa sa kasalukuyang sitwasyong pampulitika at pang-ekonomiya.
“At this juncture in our political economy, we need his leadership to inspire credibility and genuine social justice. I have no doubt that he will work in a humble and collegial manner that will ensure the stability of our Judiciary and the full development of our country,” dagdag ni Robredo sa kanyang tatlong pahinang liham.
Hindi karaniwan ang naging landas ni Justice Leonen bago marating ang mataas na hukuman noong 2012 sa edad 49. Bago pumasok sa gobyerno, itinatag nya noong 1987 ang Legal Rights and Natural Resources Inc(LRC-KSK) at naging aktibong kasapi ng Free Legal Assistance Group (FLAG). Hindi tulad ng karaniwang abogado na naglingkod sa malalaking korporasyon, inilaan ni Leonen ang kanyang maagang karera sa pagbibigay ng libreng serbisyong legal sa mga katutubo, magsasaka, mangingisda at mga biktima ng pampulitikal na pang-aabuso.
Taon 2010 ay itinalaga siya bilang Chief Peace Negoatiator ng pamahalaan na matagumpay na pakikipag-usap sa MILF, na nagbunga ng makasaysayang Framework Agreement on the Bangsamoro noong 2012, isang pundasyon na nagwakas sa dekadang armed conflict sa Mindanao.
Si Leonen ay nagtapos bilang magna cum laude sa UP Diliman sa kursong Economics, kumuha ng law sa UP Diliman at top 4 sa 1987 Bar Examinations, nagtapos ng kanyang Master of Laws sa Columbia University sa New York at naging dean ng UP College of Law.
Ang pormal na pag-endorso ni Robredo kay Pangulong Marcos ay ang pinakabagong kabanata sa kapansin-pansing pagbabago ng dynamics sa pagitan ng dalawang dating magkatunggali sa pulitika.
Matatandaan na personal na binisita ni Pangulong Marcos ang Naga City at inihayag ang paglalabas ng P500-million Local Government Support Fund (LGSF) para sa rehabilitasyon ng Jesse M. Robredo Coliseum bilang disaster refuge center at para sa mga heavy equipment ng lungsod.
Bagama’t lumutang ang mga haka-haka sa posibleng alyansang pampulitika parehong iginiit nina Marcos at Robredo na nakatuon ang kanilang ugnayan sa inter-government cooperation at pampublikong serbisyo para sa mga mamamayan.