Advertisers
PINABULAANAN ng House prosecution ang mga pahayag na tila nabago ang Konstitusyon matapos maglabas ng desisyon ang Senate Impeachment Court hinggil sa mga kuwalipikadong bumoto kapag dumating na ang panahon ng paghatol sa impeachment case.
Iginiit ni House Lead Prosecutor/Batangas Representative Gerville “Jinky Bitrics” Luistro nananatiling two-thirds (2/3) ng mga miyembro ng Senado ang voting threshold na itinatakda ng Konstitusyon para sa conviction sa impeachment trial.
Ayon kay Luistro, ginamit lamang ng Senado, na may eksklusibong kapangyarihang dinggin at magpasya sa lahat ng impeachment case, ang kapangyarihang ito upang linawin ang probisyon ng Konstitusyon tungkol sa “two-thirds of all the members of the Senate,” partikular kung sinu-sino ang legal at aktuwal na kuwalipikadong bumoto sa impeachment trial.
“Ang kapangyarihan ng Senado o ng impeachment court upang bigyan ng kaliwanagan ang threshold vote ay ayon sa kanilang exclusive power to try and decide all impeachment cases,” pahayag ni Luistro sa isang press briefing nitong Huwebes.
“Natuldukan na ang usapin, diskusyon at debate ng sambayanang Pilipino kung ilan ba talaga ang kailangan para sa conviction at kung ilan ba talaga ang kailangan para sa acquittal,” dagdag niya.
Sa inilabas na ruling, sinabi ni Luistro na tinukoy ng impeachment court ang mga maaaring hindi isama sa bilang ng mga bumoboto, kabilang ang mga nakadetine, suspendido o may legal na hadlang; mga pisikal o medikal na hindi makalahok; mga nagtatago; mga nasa labas ng kapangyarihang magpatupad ng Senado; at iba pang nasa katulad na sitwasyon.
“Sa tingin ko, napakahalaga nito habang nagpapatuloy ang impeachment trial. Mas mahirap na hanggang sa oras na ito ay wala pa ring kaliwanagan. At least sa nangyari kahapon, malinaw na kung ano ang threshold vote. At nananatiling two-thirds ito ng lahat ng miyembrong legal at aktuwal na present o kuwalipikadong bumoto,” ani Luistro.
“Gusto kong linawin na walang binago sa two-thirds. At kagaya ng naging posisyon ng prosecution, two-thirds is two-thirds,” dagdag niya.
Binigyang-diin ni Luistro na hindi pumanig sa alinmang panig ang ruling ng impeachment court dahil ang anumang pagbabago sa denominator para sa two-thirds ay nangangahulugan ding mababawasan ang kinakailangang boto para sa conviction at acquittal.
“Sa pagbibigay-linaw sa denominator, hindi lamang ang bilang para sa conviction ang bumababa kundi pati ang bilang para sa acquittal. Dalawang panig ang epekto nito. Nang sabihin nilang ang ‘all members of the Senate’ ay tumutukoy lamang sa mga legal at aktuwal na present, hindi lamang ang bilang para sa conviction ang naaapektuhan kundi pati ang bilang para sa acquittal,” paliwanag ni Luistro.
Ipinaliwanag pa niya na kung sakaling 20 senator-judges lamang ang kuwalipikadong bumoto sa oras ng paghatol, 14 boto ang kakailanganin para sa conviction.
Nguni’t, aniya, pitong boto lamang ang kakailanganin para sa acquittal.
“Ihambing ito kapag lahat ng senador ay aktibong kalahok sa trial. 24 ang denominator at 16 ang kailangan para sa conviction, habang siyam lamang ang kailangan para sa acquittal,” ani Luistro.