Advertisers
NILAGDAAN na ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang batas na nagtatakda ng limang-taon termino ng mga halal na barangay at Sangguniang Kabataan officials.
Sa ilalim ng Republic Act No. 12326, inamyendahan ang ilang probisyon ng Republic Act No. 12232 na may kaugnayan sa termino at halalan ng mga opisyal ng Barangay at SK.
Ayon sa bagong batas, hanggang dalawang magkasunod na termino lamang maaaring manungkulan ang isang halal na barangay official sa parehong posisyon.
Para naman sa SK officials, isang termino lamang sa parehong posisyon.
Itinakda rin ang susunod na regular na Barangay at SK elections sa ikalawang Lunes ng Nobyembre 2028 at kada limang taon pagkatapos nito.
May bagong probisyon din para sa pagpuno sa mga bakanteng posisyon sa SK. Ang appointment ay gagawin ng city o municipal mayor, basta kwalipikado ang itatalagang indibidwal.
Inaatasan din ng batas ang patuloy na training at capacity-building programs para sa Barangay at SK officials upang mas mapalakas ang kanilang kakayahan sa pagtupad ng kanilang mga tungkulin.
Pangungunahan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga training kasama ang TESDA, COMELEC, state universities and colleges at iba pang ahensya ng gobyerno.
Samantala, ituturing na nakumpleto ng incumbent barangay officials ang isang termino dahil sa dalawang taon na extension ng kanilang panunungkulan.
Dahil dito, hindi na maaaring tumakbo sa parehong posisyon sa November 2028 BSKE ang mga incumbent official na nasa kanilang huling termino.
Nilinaw sa batas na hindi ligtas sa anumang pending o future administrative, civil o criminal cases ang mga incumbent officials habang nagpapatuloy ang kanilang panunungkulan.
Magkakabisa ang Republic Act No. 12326 matapos mailathala sa Official Gazette o sa isang pahayagan na may general circulation. (Gilbert Perdez/Vanz Fernandez)