CONG. PANALIGAN MULING NANAWAGAN NA IBABA ANG PAMASAHE SA BARKO AT CARGO RATES SA RUTANG CALAPAN–BATANGAS
Advertisers
Nagpatupad na nang bagong passenger fare rates ang Montenegro Shipping Lines para sa rutang Batangas–Calapan, epektibo noong Setyembre 21, 2026.
Batay sa bagong fare matrix, ang regular passenger fare sa RORO ay P696, habang P840 naman sa fastcraft.
Para sa RORO, P557 na ang pamasahe ng estudyante, P497 para sa senior citizen at PWD, at P348 para sa mga batang 3–7 taong gulang na sakop ng half fare.
Sa fastcraft naman, P672 ang student fare, P600 sa senior citizen at PWD, at P420 o half fare naman sa mga batang edad 3 hanggang 7 taong gulang.
Kasabay nito, inilabas din ang updated rates para sa rolling cargo sa Batangas–Calapan at Batangas–Abra de Ilog routes.
Sa Batangas–Calapan, nakasaad sa fare matrix ang P1,680 para sa motorsiklo, habang nagsisimula sa P3,360 ang rate para sa rolling vehicles na may habang 3.1–4 metro. Tumataas ang singil depende sa haba at classification ng sasakyan.
Dahil dyan muling nananawagan si Oriental Mindoro 1st District Rep. Arnan C. Panaligan sa Maritime Industry Authority (MARINA) na hikayatin ang mga shipping company na magpatupad ng rollback sa passenger at rolling cargo rates sa rutang Calapan City–Batangas.
Matatandaang lumiham si Panaligan noong Hulyo 1, 2026 kay MARINA Administrator Sonia B. Malaluan at ipinaliwanag ng kongresista ang pagtaas ng pamasahe.
Binigyang-diin ni Panaligan na ang mataas na pamasahe at cargo rates ay pabigat sa mga mahihirap na pasahero at naka dagdag din sa presyo ng mga pangunahing bilihin na dinadala papasok at palabas ng Oriental Mindoro.
Bagama’t dereguladong industriya ang shipping, sinabi ni Panaligan na may kapangyarihan ang MARINA na bantayan ang operasyon ng mga shipping company upang matiyak na napoprotektahan ang kapakanan ng publiko.
Umaasa si Panaligan na kikilos ang MARINA upang mapagaan ang gastusin ng libu-libong biyahero, magsasaka, agricultural producers, at maliliit na negosyante na umaasa sa rutang Calapan–Batangas.
Subaybayan natin!
***
Anumang reaksyon o suhestiyon i-text sa 09397177977/09368625001 o di kaya mag email balyador69@gmail.com