Advertisers

Advertisers

Sen. Lacson kinuwestiyon si Sec. Dizon sa DPWH project sa Taguig ngunit ang geotag ay sa Leyte

0 9

Advertisers

TAHASANG hinamon ni Senador Panfilo “Ping” Lacson si Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon na ipaliwanag kung bakit may geotagged photographs mula sa isang proyekto sa Taguig City na tumutukoy sa lokasyong nasa Leyte.

Sa pahayag ni Lacson nitong Linggo, Setyembre 27 binanggit niya ang findings mismo ng DPWH sa Contract ID 220B0106, kung saan nakasaad sa inspection report na ang coordinates sa geotagged photographs na kalakip ng billing reports ay nasa labas ng aktuwal na project limits.

Ayon sa ulat ng DPWH, may metadata ang mga larawan na tumutukoy sa lokasyong tinatayang 600 kilometro ang layo at nasa Leyte province.



“Sec. Vince Dizon, please explain how this finding of your own team should not be flagged as a ghost project in Taguig. Since when has Taguig been located in Leyte?” pahayag ni Lacson.

Lalo umanong naging red flag para sa senador ang contractor ng proyekto na St. Timothy Construction, isang kumpanyang pag-aari ng Discaya family na naiugnay sa mga kontrobersyal na flood control projects.



Batay sa mga dokumentong binanggit ni Lacson, nakapaglabas ang DPWH ng 15% advance payment na P13.738 milyon noong Hunyo 23, 2022. Ang mga kalakip na billing photographs ay may coordinates na tumutukoy sa Tacloban City, Leyte.

Iniuugnay ni Lacson ang naturang finding sa pahayag ni Dizon na walang ghost projects sa Taguig City, matapos tanungin ni Senator Alan Peter Cayetano, tungkol sa pagkakaroon ng mga naturang proyekto sa lungsod.



Bukod sa isyu ng maling coordinates, binanggit din ni Lacson ang pagsusuri ng DPWH gamit ang artificial intelligence para matukoy ang posibleng magkakaparehong billing photographs mula sa mga proyekto sa Taguig noong 2017 hanggang 2025.

Sa 15,523 larawang sinuri ng AI-based image similarity detection system, 1,079 pares ang na-flag dahil sa mataas na visual similarity.

Sinabi rin ni Lacson na nakapagsumite na siya at ang kanyang team sa Office of the Ombudsman ng hindi bababa sa 45 case studies na naglalaman umano ng mga sistemikong iregularidad sa flood control projects sa Taguig.

Nagsagawa na rin ang Ombudsman ng fact-finding investigation kaugnay ng mga naturang alegasyon.

Samantala, nanawagan si Lacson kay Dizon na ipaliwanag ang pagkakaiba sa pagitan ng pahayag nito tungkol sa kawalan ng ghost projects sa Taguig at ng findings na nakapaloob mismo sa mga inspection report ng DPWH.