Advertisers

Advertisers

DUTERTE CLAN NASANGKOT SA ‘CONFLICT OF INTEREST’

0 15

Advertisers

SINABI ni trial spokesperson Zia Alonto Adiong ng Lanao del Sur nitong Miyerkules na may malinaw na indikasyon ng conflict of interest o salungatan sa interes sa panig ni Vice President Sara Z. Duterte at ng kanyang pamilya dahil sa kanilang pagkakasangkot sa iba’t ibang negosyo na nakipagtransaksyon sa mga ahensya at tanggapan ng pamahalaan.

Batay sa mga Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ng Bise Presidente, kungsaan idineklara niyang shareholder o incorporator siya ng GenCorp Industries Inc., sinabi ni Alonto Adiong na malinaw ang conflict of interest dahil nakakuha ang naturang kompanya ng 49 kontrata na nagkakahalaga ng P36 milyon mula sa iba’t ibang government entities.

Ayon sa mga rekord na iniharap ni Philippine Government Electronic Procurement System (PhilGEPS) E-Government Procurement Operations Division head Rendell Sopeña, pumasok ang GenCorp sa mga kontratang nagkakahalaga ng P34 milyon sa Davao City government, kungsaan alkalde ang kapatid ng Bise Presidente na si Sebastian “Baste” Duterte.



Sa kanyang testimonya sa harap ng Senate Impeachment Court, sinabi ni Mayor Baste na hindi niya alam ang pagkakasangkot ng kanyang kapatid sa GenCorp nang pagkalooban ng Davao City government ng 19 kontrata ang kumpanya mula 2022 hanggang 2026.

“Napakadaling gamitin ng alkalde ang kawalan ng kaalaman, kung gagamitin ko man ang salitang iyon, para ilayo ang kanyang sarili sa katotohanang nakakuha ang GenCorp hindi lamang ng isa kundi maraming kontrata mula sa pamahalaan,” diin ni Alonto Adiong.



Binanggit din ni Alonto Adiong ang testimonya ni Mayor Baste hinggil sa pagbabago ng mga panuntunan ng Bids and Awards Committee (BAC) ng Davao City government na tila nagbigay-daan para makakuha ang GenCorp ng mga kontrata.

Una nang sinabi ng alkalde na may polisiya ang city government na ang mga negosyong maaaring lumahok sa bidding ay dapat mahigit limang taon nang nag-o-operate at may hindi bababa sa limang pisikal na tindahan.



Ngunit ayon kay Alonto Adiong, nakalahok parin sa bidding ang GenCorp kahit dalawang taon pa lamang itong umiiral at nakakuha pa ng ilang kontrata.

“Malinaw na mensahe at indikasyon iyon na ang mga kontratang ito ay tila iniangkop para makuha ng GenCorp. Hindi lamang isa kundi maraming kontrata,” ani Alonto Adiong.

“Malinaw ito dahil kung babalikan natin ang SALN ng Bise Presidente, sinabi naman niya na mayroon siyang business interest noong 2024 at 2025, at idineklara at sinumpaan niya iyon,” dagdag niya.

Lumutang din sa testimonya ni Mayor Baste ang pag-amin na siya at ang kanyang kapatid na si Davao City Rep. Paolo Duterte ay may negosyo kasama si Jaime T. Cruz sa Chinese Gen Bee Foods Corporation.

Napansin ni Alonto Adiong na paulit-ulit na lumilitaw ang pangalan ni Cruz sa mga business dealings ng pamilya Duterte, kabilang ang GenCorp at iba pang kumpanyang nakalista sa mga SALN ng Bise Presidente kungsaan nagsisilbi rin siyang incorporator.

Sinabi ni Alonto Adiong na ang pagkakaroon ng negosyo ni Mayor Baste kasama si Cruz ay indikasyon ng conflict of interest sa panig ng alkalde at ng Bise Presidente.

“Magbibigay iyon sa iyo ng ideya na ang kontratang napanalunan ng GenCorp ay hindi lamang dahil kaya nilang mag-supply ng mga kinakailangang produkto ng city government, kundi dahil din sa mas malapit na ugnayan ni Mr. Jaime T. Cruz sa pamilya Duterte,” ani Alonto Adiong.

“Si Jaime T. Cruz ay hindi lamang ordinaryong negosyante. Propesyonal, kasama na nila siya at, masasabi ko, pinansiyal, kasama narin nila siya. Kaya conflict of interest sa lahat ng panig ang usaping ito,” punto ni Alonto Adiong.