P1,360 SA BAWAT BENEPISYARYO, SAAN NAPUNTA? 3 LGU NG PANGASINAN, HUMIHINGI NG MALINAW NA ULAT SA PHILHEALTH
Advertisers
Pormal nang naghain ng magkakasamang petisyon sa PhilHealth ang Malasiqui, Bayambang, at Urdaneta City upang humingi ng buong linaw at tiyak na ulat sa paggamit ng pondo sa ilalim ng YAKAP Program at Provincial Special Health Fund.
Ayon kay Atty. Hue Jyro U. Go, tagapagsalita ng tatlong LGU: sa bawat P1,700 na nakalaan ng PhilHealth para sa bawat benepisyaryo, PP40 (20%) lamang ang direktang nakararating sa kanila — habang ang malaking bahagi na P1,360 (80%) ay napupunta sa pinagsamang pondo sa antas ng lalawigan.
“Anong nangyari sa P1,360?” — ito ang tanong ng mga LGU. Hinihingi ang tiyak na listahan at patunay kung saan ito ginastos, dahil hindi ito nararamdaman ng mga mamamayan.
Wala pang direktang akusasyon ng pagnanakaw o korapsyon — ngunit nais nilang makita ang tiyak na numero para sa kapakanan ng taumbayan.
Nais din nilang kumalas sa kasunduan sa lalawigan upang ang buong P1,700 ay direktang mapunta sa kanila — mas marami nang tulong ang maibibigay sa kanilang mga nasasakupan. May sarili silang programa sa kalusugang handang isakatuparan sakaling pumayag ang PhilHealth.
Kung may makitang anomalya sa gagawing pagsusuri, hindi isinasantabi ang paghahain ng reklamo sa Ombudsman.
Inaantay na ngayon ang tugon ng PhilHealth. (Edwin Moreno)