Advertisers
NAGPALIWANAG ang Malacañang sa naging desisyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na lagdaan ang batas na nagpapaliban sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
Ayon kay Palace Press Officer at Communications Undersecretary Claire Castro, nakita umano ng Pangulo at mga mambabatas ang kahalagahan ng pananatili sa puwesto ng mga barangay officials sa kasalukuyang panahon kaya nilagdaan ang batas.
Ito’y kasunod ng petisyong inihain sa Supreme Court na kumukuwestiyon sa pagpapaliban ng halalan sa 2028.
Noong Miyerkules, inatasan ng Korte Suprema ang Office of the President, Kongreso at Commission on Elections (Comelec) na magsumite ng komento sa petisyon sa loob ng limang araw.
Sinabi ni Castro na ang Office of the Solicitor General (OSG) ang bahalang sumagot sa petisyon at kumatawan sa pamahalaan sa naturang kaso.
Sa ngayon, hinihintay pa umano ng OSG ang kopya ng petisyon at kautusan ng Korte Suprema, ngunit tiniyak ng Malacañang na susunod ang pamahalaan sa magiging utos o desisyon ng High Court. (Gilbert Perdez/Vanz Fernandez)