Advertisers

Advertisers

Nora Aunor, Inspirasyon ni Jazmine Rhian Relojo sa Pangarap na Maging Artista

0 18

Advertisers

Ni Mercy Lejarde

Malaki ang naging impluwensiya ng yumaong Superstar na si Nora Aunor sa commercial model na si Jazmine Rhian Relojo, na pangarap ding maging artista tulad ng kaniyang ninang na si Guy.

Hindi lang basta paghanga ang nararamdaman ni Jazmine para sa Superstar. Si Nora mismo ang naging inspirasyon niya upang mas mahalin ang pag-arte at ipagpatuloy ang pangarap na pasukin ang mundo ng showbiz.



Kuwento ni Jazmine, bata pa lamang siya ay lagi na siyang isinasama ng kaniyang inang si Tess Ocampo sa iba’t ibang lakad, pagtitipon at showbiz events. Miyembro si Tess ng mga fan group na Nora’s Friends Forever (NFF), Happy Peeps at Global Guy Cocoy Lovers Friends (GGCLF).

Nang maging aktibo ang kaniyang ina sa fan club ni Guy, nakasama rin si Jazmine sa mga taping ng My Little Nanay, ilang pormal na okasyon at maging sa mga simpleng pagbisita sa Superstar.



Higit pa sa pagiging mahusay na aktres, nakilala ni Jazmine si Guy bilang isang malambing, mapagmahal at maalalahing tao. Kinukumusta raw siya nito at binabati sa tuwing ibinabahagi ng kaniyang ina ang mga achievement niya sa school.

Hindi na rin bago kay Jazmine ang humarap sa kamera dahil bata pa lamang siya ay nakagawa na siya ng mga commercial at nakaranas gumanap sa maliliit na acting roles.



Habang lumalaki, lalo pang humanga si Jazmine sa husay ni Nora sa pagbibigay-buhay sa iba’t ibang karakter. Hinangaan niya ang kakayahan ng Superstar na ilarawan sa pelikula ang buhay ng mga ordinaryong Pilipino, kasama ang kanilang mga pangarap, pakikibaka at realidad sa buhay.

Dito lalo pang nahubog ang interes ni Jazmine sa pag-arte. Noong high school, sinamantala niya ang mga pagkakataong makasali sa school activities, theater plays at roleplay. Madalas pa nga siyang mabigyan ng mahahalagang papel na pinagbutihan niya upang maipakita ang kaniyang kakayahan.

Sa edad na 18, isa nang first-year Tourism Management student si Jazmine sa FEU Manila.

Sa ngayon, prayoridad muna niya ang kaniyang pag-aaral at pagtatapos ng kolehiyo. Gayunman, bukas naman ang kaniyang puso sa posibilidad na muling bumalik sa pag-arte kapag nabigyan ng pagkakataon.

Naniniwala si Jazmine na kayang pagsabayin ang pag-aaral at ang kaniyang passion basta may disiplina, dedikasyon at maayos na time management.

At kung muling mabibigyan ng pagkakataong humarap sa kamera, isa sa patuloy na magsisilbing inspirasyon ni Jazmine ang kaniyang ninang na si Nora Aunor, ang Pambansang Alagad ng Sining na nag-iwan ng pambihirang pamana sa pelikulang Pilipino.