Advertisers
KUSANG sumuko sa mga awtoridad ang 26-anyos na pastor na itinuturong suspek sa pagpatay sa 20-anyos na nursing student na si Maru, na natagpuang wala nang buhay sa Barangay Sapul, Calapan City, Oriental Mindoro noong Nobyembre 7.
Ayon sa ulat, kusang sumuko ang suspek, na umano’y kasintahan ng biktima kay Police Colonel Gerry Laylo, hepe ng Regional Intelligence Division (RID) ng MIMAROPA Police Regional Office sa isang simbahan sa Legarda Street, Maynila, madaling-araw nitong Lunes.
Inamin umano ng suspek ang pagkakasangkot sa krimen at isinalaysay sa mga otoridad kung paano niya isinagawa ang pagpatay sa biktima.
Matapos ang pagsuko, dinala ang suspek sa Calapan City upang isailalim sa kaukulang proseso at imbestigasyon ng pulisya kaugnay ng kaso.
Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang suspek habang nagpapatuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang buong detalye at mga pangyayari sa likod ng krimen.
Nanawagan din ang pulisya sa publiko na huwag magpakalat ng hindi beripikadong impormasyon, larawan o video ng biktima bilang paggalang sa kanyang pamilya at dignidad. (RONALD BULA)