Advertisers

Advertisers

Mga mangingisda at iba pang grupo sumugod sa BFAR; reporma sa Fisheries Code iginiit para sa mas maraming murang isda

0 11

Advertisers

MARIING iginiit ng mahigit 100 mangingisda, mamimili at iba pang grupo ang agarang pag-amyenda sa Republic Act No. 8550 o Fisheries Code of the Philippines, dahil umano napag-iiwanan na ang industriya ng pangingisda sa bansa sa kabila ng pagkakaroon nito ng ikalimang pinakamahabang baybayin sa buong mundo.

Nagtipon nitong Miyerkules ng umaga ang mga grupo sa harap ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Central Office sa Elliptical Road at nagsumite ng manifesto kay BFAR National Director Elizer S. Salilig.

Nabatid sa kanilang manifesto, hiniling ng grupo na alisin ang pangkalahatang pagbabawal sa komersyal na pangingisda sa municipal waters at sa halip ay ibatay sa siyentipikong pag-aaral ang pagtukoy sa mga lugar na maaari nitong pagdausan ng operasyon.



Kaugnay nito ayon sa grupo, nakaangkla ang kanilang panawagan sa naging pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang State of the Nation Address noong 2023.

Ginawa rin nilang batayan ang kasong Mercidar vs. DA-BFAR, kung saan idineklara ng Regional Trial Court (RTC) ng Malabon, Branch 170, noong Disyembre 11, 2023, na labag sa Konstitusyon ang Sections 4(58), 16 at 18 ng RA 8550, gayundin ang ilang probisyon ng Department of Agriculture Administrative Order No. 10, Series of 2015, na nagsisilbing batayan ng 15-kilometer fishing ban.



Noong Agosto 19, 2024, ibinasura naman ng First Division ng Korte Suprema ang petisyon ng DA-BFAR at kinatigan ang panig ng fishing industry.

Dahil dito, iginiit ng grupo na dapat igalang ang naturang desisyon at ibasura ang motion for reconsideration na inihain ng BFAR.



Paliwanag pa nila, hindi sapat ang kakayahan ng maliliit na bangkang pangisda na makahuli lamang ng hanggang 10 kilo ng isda kada biyahe at makapaglayag nang hanggang limang kilometro upang matugunan ang pangangailangan sa isda ng publiko.

Anila, hindi nito kayang tustusan ang pangangailangan ng tinatayang 15.5 milyong residente ng Metro Manila, lalo na ang 117.7 milyong mamamayan sa buong bansa.

Dahil dito, nanawagan ang grupo sa DA-BFAR na palakasin ang suporta sa maliliit na mangingisda, pagbutihin ang mga pasilidad sa cold storage at sistema ng transportasyon, at maglatag ng kongkretong plano ng aksyon para sa pagpapaunlad ng sektor ng pangisdaan.

Binigyang-diin nila na hindi lamang dami ng nahuhuling isda ang dapat maging sukatan ng tagumpay, kundi higit sa lahat ang pag-unlad ng kabuhayan ng mga mangingisda at ang kakayahan ng bawat pamilyang Pilipino na makabili ng sapat at abot-kayang pagkain.