Advertisers

Advertisers

Pagpapababa sa 12.5% US tariff sa PH export, target sa pagpupulong nina PBBM at Trump

0 45

Advertisers

PLANO ng pamahalaan na mapababa ang ipinataw na taripa ng Estados Unidos sa mga produktong Pilipino sa nakatakdang pagpupulong nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at US President Donald Trump sa Miyerkules, Nobyembre 18.

Sinabi ni Trade Secretary Cristina Roque, kabilang sa mga pangunahing tatalakayin ng dalawang lider ang 12.5% tariff na ipinataw ng Washington sa mga produktong iniluluwas ng Pilipinas sa US.

Ani Roque, nais ng pamahalaan na mapababa ang naturang taripa upang mas mapalawak ang exports ng bansa hindi lamang sa merkado ng Amerika kundi maging sa iba pang pandaigdigang pamilihan.



Ayon sa kalihim, layunin din nilang mapalakas ang kakayahan ng mga produktong Pilipino na makipagsabayan sa international market.

Matatandaang iniugnay ng Estados Unidos ang pagpapataw ng taripa sa umano’y kabiguan ng Pilipinas na sapat na matugunan ang pagpasok ng mga produktong ginawa gamit ang sapilitang paggawa o forced labor.



Kaugnay nito, inihayag ni Roque na naiparating na sa panig ng US ang Joint Administrative Order (JAO) ng pamahalaan na naglalayong tugunan ang mga naturang alalahanin.

Umaasa ang kalihim na magiging bahagi ito ng pagtalakay sa posibleng pagbabago sa umiiral na taripa.



Samantala, inaasahang darating sa Maynila si Trump ngayong Martes, Nobyembre 17, kasunod ng kanyang pagdalo sa mga pangunahing aktibidad ng ASEAN Summit at bago ang nakatakdang bilateral meeting nila ni Marcos.