Advertisers
NANAWAGAN si Senador Kiko Pangilinan sa Philippine National Police (PNP) na pairalin ang maximum tolerance at igalang ang karapatan ng mga Pilipino na magprotesta at malayang magpahayag ng kanilang saloobin.
Ayon kay Pangilinan, mahalagang mapanatili ang kaayusan ng publiko habang pinoprotektahan ang karapatan ng mamamayan na magtipon nang mapayapa.
Binigyang-diin niya na parehong Pilipino ang mga pulis at mga nagpoprotesta na may iisang hangarin para sa mas maayos na pamumuhay, disenteng kabuhayan, ligtas na komunidad at magandang kinabukasan para sa kanilang mga pamilya.
Hiniling din niya sa mga pulis na harapin ang mga mapayapang demonstrador nang may pang-unawa, pagpipigil at paggalang.
Sa gitna ng pagdating ng mga dayuhang lider at delegado para sa 49th ASEAN Summit, sinabi ni Pangilinan na hindi dapat ikahiya ang mga protesta dahil bahagi ito ng demokrasya.
Giit ng senador, pagkakataon ito upang ipakita sa buong mundo na malayang nakapagsasalita ang mga Pilipino, napakikinggan ang iba’t ibang pananaw at pinoprotektahan ng mga awtoridad ang kanilang mga karapatan.
Nanawagan din siyang tiyaking ligtas ang lahat habang binibigyang-puwang ang bawat Pilipino na maiparating ang kanilang hinaing. (Mylene Alfonso)