Advertisers

Advertisers

Gov. Vi, may bagong pasabog sa Ala E! Festival; bagong logo inilantad

0 12

Advertisers

Ni ARCHIE LIAO

Bagong mukha, mas matibay na pagkakakilanlan!

Ipinakilala ni Batangas Governor Vilma Santos-Recto ang bagong opisyal na logo ng Ala E! Festival, na nagtatampok sa mayamang kultura, tradisyon, at mga ipinagmamalaking yaman ng lalawigan.



Pormal na inilantad ni Gov. Vi ang bagong emblem noong Nobyembre 12 sa Batangas Province Event Center sa Batangas City, kasabay ng CALABARZON Cacao and Coffee Congress na idinaraos sa lalawigan.

Matatandaang muling binuhay ang Ala E! Festival noong nakaraang taon matapos ang 10 taong pamamahinga. Tinaguriang Mother of All Festivals sa Batangas, layunin nitong higit pang palakasin ang turismo hindi lamang sa lalawigan kundi maging sa buong CALABARZON region.



“We brought back the Ala E! Festival to give greater importance to tourism in Batangas and, of course, to the entire CALABARZON region,” pahayag ni Gov. Vi.

KULTURANG BATANGUEÑO SA BAGONG LOGO



Hindi basta disenyo ang bagong logo dahil bawat letra nito ay sumasalamin sa mga natatanging produkto, tradisyon, at yamang ipinagmamalaki ng mga Batangueño.

Sa unang letrang A, tampok ang Kapeng Barako na sumisimbolo sa tapang, lakas, at tatag ng mga Batangueño, gayundin ang makasaysayang Taal Basilica na kumakatawan sa malalim na pananampalatayang Katoliko ng mga taga-Batangas.

Makikita naman sa letrang L ang tanyag na balisong, sagisag ng husay, talino, at pagkamalikhain ng mga lokal na manggagawa.

Tampok sa ikalawang A ang tawilis at maliputo, mga natatanging yamang-tubig ng Taal Lake, kasama ang sikat na lomi na kumakatawan sa ipinagmamalaking lutuing Batangueño.

Sa letrang E naman makikita ang mga tanyag na diving destination ng Batangas, mayamang marine biodiversity, magagandang baybayin, at mga pamayanang nakadepende sa karagatan.

ALA E, HINDI ALA EH!

Kasabay ng paglulunsad ng bagong logo, opisyal na rin na pinagtibay ng Provincial Government of Batangas ang paggamit ng pangalang “ALA E” sa halip na “ALA EH.”

Ayon sa pamahalaang panlalawigan, mas angkop ang bagong baybay sa aktuwal na pananalita at pagbigkas ng mga Batangueño.

Ang katagang “e” ay bahagi ng kanilang natatanging paraan ng pagsasalita at nagtatapos sa tunog-patinig. Samantala, ang pagdaragdag ng letrang “h” ay maaaring magbigay ng ibang impresyon sa tamang pagbigkas nito.

Sa pamamagitan ng pagbabagong ito, nais pang patatagin ng pamahalaang panlalawigan ang pagkakakilanlan ng mga Batangueño at maipreserba ang kanilang natatanging wika at kultura.

Bagong logo man at bagong baybay, nananatili ang diwa ng Ala E! Festival bilang pagdiriwang ng pagmamalaki, pagkakaisa, at mayamang pamana ng Batangas.