Advertisers
Ni ARCHIE LIAO
Usap-usapan ng kibitzers ang naging pahayag ni John Arcilla tungkol sa work ethics na inaasahan niya sa mga young star na nakakasama niya sa trabaho.
Ayon sa aktor, wala naman siyang mahigpit na ipinapatupad na patakaran sa kanyang mga batang katrabaho. Gayunman, inaasahan niyang handa na ang mga ito sa oras na dumating sa shooting location.
Aminado si John na hindi siya pabor sa mga artistang sa set pa lamang nag-aaral at nagsasaulo ng kanilang mga linya dahil maaari itong maging sanhi ng pagkaantala ng shooting.
Para sa kanya, higit pa sa pagsasaulo ng dialogue ang pagiging mahusay na aktor. Dapat ding nauunawaan ng isang artista ang kabuuan ng kuwento, ang pinagmulan ng kanyang karakter at ang dahilan sa likod ng bawat sinasabi nito.
Kuwento pa niya, nakaugalian na niyang humingi ng kopya ng script nang hindi bababa sa tatlong araw bago ang shooting upang mapag-aralan ang kuwento at mapaghandaan ang kanyang pagganap.
“Ayoko nagme-memorize sa set. Kasi acting is more than just memorizing. Kailangan alam mo buong kuwento at bakit mo sinasabi. Kailangan malinaw sa ‘yo bilang actor ang nangyayari sa character — doon automatically lalabas lines mo nang hindi mo na kailangang memoryahin. Dahil alam mo ang kuwento at saan siya nanggagaling,” paliwanag niya.
Dahil dito, may mga nagpalagay na maaaring may pinatutungkulan ang pahayag ni John, partikular si Fyang Smith na una niyang makakatrabaho sa horror movie na Haunted Carnival, na kabilang sa mga pelikulang kalahok sa 2026 Metro Manila Film Festival.
Gayunman, hindi naman direktang binanggit ni John ang pangalan ni Fyang sa kanyang pahayag.
Bukas ang pahinang ito sa panig nina John at Fyang hinggil sa usapin.