Advertisers

Advertisers

ROBIN PADILLA SA MGA PINOY: ‘HOLD YOUR HORSES!’

0 8

Advertisers

Ni Beth Gelena

Official na naimbitahan si Senator Robin Padilla sa Gala Dinner para sa 49th ASEAN Leaders’ Summit sa bansa.

Ayon sa actor-politiko, hindi raw panahon para magturuan at magbangayan ang mga Pilipino sa gitna ng pagdaraos ng 49th ASEAN Leaders’ Summit sa bansa.



Ito ang mensahe ng senador matapos ibahagi sa kanyang social media account ang opisyal na imbitasyon sa Gala Dinner na gaganapin sa Malacañang bilang bahagi ng ASEAN Summit.

Sa halip na ituon lamang ang pansin sa prestihiyosong pagtitipon, ginamit ni Robin ang pagkakataon upang manawagan ng pagkakaisa, disiplina at pagpipigil sa gitna ng mga umiiral na alitan sa loob ng bansa.



“May panahon para itaas ang ating mga kamao, at may panahon din para buksan ang ating mga palad,” saad ng senador.

Giit pa niya, habang nasa Pilipinas ang mga lider ng mga bansang kasapi ng ASEAN at iba pang international partners, mahalagang maipakita ng mga Pilipino ang pagkakaisa sa harap ng buong mundo.



“Sa paghakbang ng Pilipinas sa usaping pangkapayapaan at pangkaunlaran ng ASEAN, hindi pagkakawatak-watak ang kailangan natin. Pinagmamasdan tayo ng mundo hindi bilang hiwa-hiwalay na mamamayan, kundi bilang isang malaya at nagkakaisang sambayanang Pilipino,” pahayag niya.

Direkta rin ang panawagan ni Robin na pansamantalang isantabi muna ang mga panloob na sigalot at pairalin ang mapanuring pagmamasid at pakikinig.

“Ibaba muna natin ang panloob na alitan. Ito ang panahon para sa rebolusyonaryong katahimikan, mapanuring pagmamatyag, at pakikinig. Hold your horses, ika nga. Ang tunay na lakas ng isang bansa ay nasusukat sa dignidad at disiplina ng ating pagkakaisa sa harap ng mga bisitang kapitbansa maging kaibigan o katunggali,” dagdag pa niya.

Para sa senador, hindi rin dapat umasa sa impluwensiya ng ibang bansa ang tunay na pagbabago dahil nagsisimula ito sa mismong mga Pilipino.

“Tandaan natin, ang tunay na pagbabago ay hindi kailanman manggagaling sa labas ng bansa, kundi sa loob mismo ng ating tahanan at sarili. Ang pag-iingay para lamang sa panlabas na interes ay suntok sa buwan. Sa atin magsisimula ang pag-unlad,” pagtatapos ni Robin.