Advertisers
Ni Beth Gelena
Palakpakan at malalakas na hiyawan ang sumalubong sa pambato ng Pilipinas na si Bea Millan-Windorski nang ipakilala niya ang sarili bilang kinatawan ng bansa sa 75th Miss Universe Preliminary Competition nitong Lunes, Nobyembre 23 (Manila time) na idinaos sa José Miguel Agrelot Coliseum sa San Juan, Puerto Rico.
Nagtagisan ng ganda at kumpiyansa ang mahigit 100 kandidata sa swimsuit at evening gown competitions.
Matapos niyang isuot ang national costume na “Diwa ng Kordilyera” na likha ni Anthony Ramirez noong weekend, muli namang ipinamalas ni Bea ang kagandahan at yaman ng kultura ng Pilipinas sa preliminary round.
Lalong lumakas ang hiyawan ng audience nang ipakilala niya ang sarili bilang kinatawan ng “Filipinas” sa halip na “Philippines,” bilang pagkilala rin sa Spanish-speaking audience sa Puerto Rico.
Sa swimsuit competition, nagsuot si Bea ng blue two-piece swimsuit na likha ng Rian Fernandez Atelier, na ipinares sa isang mahaba at umaagos na kapa na tila ginagaya ang paggalaw ng mga alon sa La Union, ang kanyang tahanan sa Pilipinas.
Ipinamalas niya ang malinis at kumpiyansang paglakad, gayundin ang mga ikot na bahagi ng kanyang pasarela training sa ilalim ni Ian Mendajar.
Sa kanyang pagpapakilala habang rumarampa, binigyang-diin din ang adbokasiya ni Bea sa pangangalaga sa kalikasan.
Ang 24-anyos na beauty queen ay nagtatrabaho bilang modelo, manunulat at consultant para sa mga organisasyong nakatuon sa climate at social impact.
Sa evening gown competition naman, isang Sulu Sea-inspired creation na pinamagatang “The Golden Seas of Sulu,” na likha rin ni Ramirez, ang isinuot ni Bea bilang pagpupugay sa mayamang cultural heritage at marine biodiversity ng Mindanao.
Si Perry Tabora ang nag-ayos sa kanyang kabuuang look, na tampok ang malalim na asul na beadwork at gintong detalye na nagpapakita ng husay at sining ng mga taga-Mindanao.
Isinuot ni Bea ang kanyang buhok sa sleek ponytail upang higit na mabigyang-diin ang kanyang mukha at maayos na hubog ng mga balikat.
Sa social media post ni Bea tungkol sa kanyang evening gown, ipinaliwanag niya ang kahulugan ng mga detalyeng ginamit sa disenyo.
“The radiating gold embellishments pay homage to Mindanao’s ancient traditions of gold craftsmanship, while the shimmering blues reflect the waters that are home to some of the Philippines’ richest marine ecosystems,” bahagi ng kanyang caption.
Hindi lamang sa audience umani ng papuri ang performance ni Bea. Pinuri rin siya ng netizens at mga personalidad mula sa fashion industry, kabilang ang “Project Runway” Season 21 winner na si Veejay Floresca.
Matapos mapanood ang preliminary performance ni Bea at masubaybayan ang kanyang journey mula pa sa unang araw, buong kumpiyansa itong nagpahayag na si Bea ang dapat abangan sa kompetisyon.
“After watching Bea’s preliminary performance and following her journey since Day 1, I can confidently say that she is the woman to beat. Just like Pia and Catriona, Bea has shown incredible consistency. She is confident, graceful, and undeniably beautiful. Her performances, evening gown, swimsuit, national costume — everything has been exceptional. She has delivered in every aspect of the competition,” saad ni Floresca.
Inihambing pa niya ang ipinakita ni Bea sa naging performance nina Pia Wurtzbach at Catriona Gray, na kapwa nag-uwi ng Miss Universe crown para sa Pilipinas.
“I’ve been telling all my friends this: whoever manages to match or surpass Pia and Catriona’s performance will be the next Miss Universe, and I truly believe that Bea is that woman. Wag lang talaga dayain. She deserves to win fair and square. Mark my words: Bea will be the next Miss Universe, bringing the crown home to the Philippines!” dagdag pa ng Filipino-designer.