Advertisers
“HINDI tayo papayag na may makuhang alinmang bahagi ng Caloocan, ipaglalaban natin ito saan man tayo makarating”. Ito ang binigyang diin ni Congressman Oca Malapitan sa kanyang pakikipag-ugnayan sa mga mamamayan ng Libis at Baesa kamakailan.
Kasama ang ilang opisyales ng Pamahalaang Lungsod ng Caloocan, nakipag-diyalogo ang kongresista hinggil sa mga usapin na nakarating sa kanyang tanggapan tungkol sa umano ay paniningil ng buwis ng Lungsod ng Malabon sa mga mamamayan ng Barangay 160, Barangay 161, at ilang bahagi ng Barangay 162.
Matatandaang bago naging isang siyudad ang Malabon, isa lamang itong munisipalidad na kalapit ng Lungsod ng Caloocan. Upang maging isang lungsod ang isang bayan, kinakailangan ang mas mataas na bilang ng populasyon at mas malaking sukat ng teritoryo nito.
Kaya naman ayon sa mga ulat, isinama noon ng Malabon sa kanilang nasasakupan ang mga nabanggit na barangay na sakop naman ng Caloocan. Taong 2001 nang maging opisyal na lungsod ang Malabon.
Dahil dito, nang maupo si Cong. Oca sa kanyang unang termino noon bilang kinatawan ng Unang Distrito ng Lungsod taong 2004, sinuportahan niya ang pagsasampa ng kaso at apela ng pamunuan ng mga nasabing barangay hinggil sa nasabing isyu.
Naipanalo ang kasong ito sa Regional Trial Court. Ayon sa korte, hindi ito dumaan sa tamang proseso dahil hindi nagkaroon ng plebesito sa Caloocan upang hingiin ang saloobin at pahintulot ng mga residente na ibigay o isama sa Malabon ang mga Barangay 160, Barangay 161 at ang bahagi ng Barangay 162, kaya ang mga ito ay nasasakupan pa rin ng Caloocan.
Bukod pa rito, mayroon ding desisyon mula sa Malabon RTC na sa Lungsod ng Caloocan pa din pansamantalang nagbabayad ng buwis ang mga residente sa nasabing mga lugar habang hindi pa tapos ang usapin tungkol sa boundary dispute . Wala pang pinal na desisyon na nagsasabing ang mga Barangay 160, Barangay 161 at porsyon ng Barangay 162 ng Caloocan ay sakop nga ng Lungsod ng Malabon.
Sa ngayon, mayroong apela ang Malabon sa Court of Appeals hinggil sa desisyon ng RTC. “Hanggat’t walang desisyon ang Court of Appeals, ito ay mananatiling bahagi ng Caloocan at kung sila man ang panigan ng korte, aapela tayo hanggang sa Korte Suprema”, ang pagtiyak ni Cong. Oca.
“Caloocan na ito noong ipinanganak tayo maging ang ating mga ninuno, kaya naman kasama ang Pamahalaang Lungsod ng Caloocan sa pangunguna ni Mayor Along Malapitan, patuloy nating ipaglalaban ang inyong karapatan at pagiging mamamayan ng Caloocan”, dagdag ni Cong. Oca.
TOP WANTED MAN NG CALOOCAN SUMUKO KAY CONG. OCA
WALANG pag-atubiling sumuko kay Cong. Oca Malapitan noong Martes (March 28, 2023) ng umaga si Dennis Banda, na may kasong murder at frustrated murder sa Caloocan. Si Banda ay kabilang sa Topmost Wanted Persons ng Caloocan City Police Office.
Kasama ang kanyang pamilya at si Barangay 174 Chairman, Engr. Gilbert Rivera, boluntaryong nagtungo sa tanggapan ng kongresista si Banda, 56, residente ng Barangay 174, Caloocan , upang sumuko sa mga otoridad at harapin ang kanyang mga kaso sa hukuman.
Ayon sa pulisya, si Banda ay nahaharap sa kasong pagpatay noong 2017 kay Barangay 174 Barangay Kagawad Eduardo Gundayao at tangkang pagpatay sa anak nito na noo’y 11 taong gulang pa lamang.
Base sa pagsisiyasat ng pulisya, ang mga biktima ay sakay noon ng isang kotse nang sila ay pinagbabaril ng mga naka-motorsiklong suspek.
Sa pagsuko ni Banda, si Cong. Oca ang nagturn-over sa kanya sa mga kapulisan sa ilalim ni Police Chief Col. Ruben Lacusta. Kasabay nito, tiniyak ni Cong. Oca sa pamilya ng suspek ang kanyang seguridad habang dinidinig ang kanyang kaso.
***
Para sa komento: sianing52@gmail.com / 09664066144.
.