Advertisers
INILAGAY ng Bureau of Immigration (BI) sa heightened alert ang lahat ng kawani nito sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) pati na sa iba pang international ports sa buong bansa dahil sa inaasahang pagdagsa ng mga international passengers ngayong Lenten break.
“We are bracing for a surge in the volume of passenger who are expected to travel in and out of the country during the Holy Week, thus we have to alert our border control officers for any eventuality that may arise during this period,” ayon kay Immigration Commissioner Norman Tansingco sa isang pahayag.
Sinabi pa ni Tansingco na nagtalaga na rin ang BI nang mahigit sa isandaang karagdagang immigration officers sa NAIA upang mapunan ang manpower na siyang tumatao sa mga immigration booths sa arrival at departure areas ng pangunahing paliparan sa bansa.
“This will ensure that our services to the traveling public are not interrupted or compromised even if there is a sharp increase in passenger volume. That is why we have banned our port personnel from going on leave during the Lenten break,” dagdag pa nito.
Ayon pa sa BI chief, binilinan na rin niya ang mga terminal heads ng BI sa airports na magpatupad ng mas mahigpit na hakbang sa screening ng mga pasahero upang mahadlangan ang anumang pagtatangka ng mga human trafficking syndicates na magsasamantala sa okasyon para ipuslit palabas ng bansa ang kanilang mga biktima.
Inutusan din ang mga BI port personnel na maging mapagmatyag sa screening ng mga dumadating na dayuhan upang matiyak na walang illegal aliens ang makakapasok sa bansa.
Ibinahagi din ni Tansingco na ang mga electronic gates ng BI ay pawang mga fully operational sa airport para sa digital processing ng mga dumarating sa loob lamang ng walong segundo kada pasahero.
Inaasahan ng BI ang mas malaking bilang ng mga biyaherong darating at aalis ng bansa sa taong ito nang muling magbukas ng borders ang bansa matapos na alisin ang Covid-19 travel restrictions.
Base sa datos, ang mga pasahero na dumadating sa airports ay may averages na 30,000 hanggang 32,000 araw-araw, kumpara sa 5,000 hanggang 6,000 noong isang taon. Nakikinita na na tataas pa sa 40,000 ang bilang ng mga pasahero simula sa Huwebes Santo hanggang sa mga susunod na araw.
Naglagay din ang BI ng 36 na bagong immigration officers na katatapos lamang mag-training sa Philippine Immigration Academy sa Clark, Pampanga. (JERRY S. TAN / JOJO SADIWA)