Advertisers
Sa harap ng hakbang ng Sugar Regulatory Administration (SRA) na ibenta ang mga nasamsam na smuggled sugar sa publiko sa pamamagitan ng mga Kadiwa sa buong bansa, inihayag ni Senator Christopher “Bong” Go na dapat tiyaking sa mga tindahan ngang ito babagsak at abot-kaya ng mga mahihirap ang presyo ng mga ito.
Ipinatupad ng Department of Agriculture, ang programang Kadiwa ay isang inisyatiba ng pamahalaan na mabigyan ng mura o abot-kayang halaga ng mga pagkain ang mga Pilipino.
Layon ng Kadiwa na magbenta ng mga produktong pang-agrikultura sa mas mababang presyo kumpara sa mga nasa komersyal na pamilihan.
“As per report po, the Sugar Regulatory Administration amended its rules para ma-turn over na po ang mga confiscated smuggled sugar sa mga Kadiwa stores at maibenta sa general public sa mas murang halaga. Agree po ako diyan kaysa naman masayang ay ibenta sa murang halaga dahil confiscated naman ito. Ang importante po ay ma-stabilize po ang presyo,” ani Go na nagsagawa ng inspeksyon sa operasyon ng Malasakit Center sa Quirino Province Medical Center sa Cabarroguis, Quirino.
Ani Go, maganda rin ang mga proposal na ipamigay na lang ito nang libre sa pamamagitan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) pero dapat itong araling mabuti.
“Kung sa Kadiwa stores ibebenta po, ang tanong ko lang po, ilang Kadiwa stores ba tayo mayroon sa buong Pilipinas? Lahat ba ng lalawigan ay may Kadiwa stores?” anang senador.
Nauna rito, inamyendahan ng SRA ang rules nito para pahintulutan ang donasyon ng mga nakumpiskang smuggled na asukal sa mga ng Kadiwa.
Pinaplano ng ahensya na mag-roll out ng 4,000 metriko tonelada ng smuggled na asukal sa darating na Mayo.
Binigyang-diin ang kahalagahan ng pagtiyak na ang mga Pilipino ay may access sa abot-kaya at masustansyang pagkain, pabor si Go na ang hakbang ng SRA ay pakikinabangan ng mga mamimili, lalo ng mga nahihirapan sa gitna ng mga hamon sa ekonomiya na dulot ng pandemya.
“Ang importante po para sa akin ay ma-dispose po agad ito kaysa masira, papakinabangan pa ito ng gobyerno. Agree po ako kung ano pong pamamaraan na mapakinabangan po ito ng mahihirap at ma-stabilize po ang presyo ng sugar. Mas mabuti na lang po kaysa naman masayang diyan at nakatiwangwang,” diin ni Go.
Samantala, nanawagan ang senador sa Bureau of Customs (BOC) na pag-ibayuhin ang kampanya nito na pigilan ang pagpasok ng smuggled goods sa bansa.
“Mas paigtingin pa natin ang kampanya kontra agricultural smuggling. Tingnan natin kung mayroon bang sindikatong nasa likod nito. Tingnan natin, mayroon naman tayong batas, ‘yung Anti-Agricultural Smuggling Law,” giit ni Go.
“Gamitin natin ang ngipin ng batas. Ipahuli, ipakulong talaga. Dapat madala talaga itong mga smuggler na ito. Kawawa po ang maliliit nating local producers lalo na po ang mga magsasaka,” idiniin pa niya.
Si Go ay isa sa mga may-akda ng panukala na naging Republic Act No. 11901, na nagpapalawak sa sistema ng pagpopondo sa agrikultura, pangisdaan, at pag-unlad sa kanayunan.